Si David vs Goliath’

Hotlines: 09213263166, 09198972854

Tel. Nos.: 6387285, 7104038

NAPATUNAYAN sa Mabuting Aklat na kahit ang isang maliit na paslit ay kayang itumba ang gahiganteng manlulupig sa pamamagitan ng pagpuwing sa mata.

“Maliban sa maskulado siya… panay sagwan siya dahil Dragon Boat racer siya! Isipin mo na lang kung paano niya binitiwan ang kamay niya ng sampalin ang anak ko,” wika ni Toto’.

Ang tinutukoy ng 60 anyos na si Ernesto “Toto” Ramones ay ang umano’y sigang pulis na si PO2 Dennis Custodio---pulis ng Bicutan. Siya raw ang lasing na pulis na nanampal sa noo’y pitong taong gulang niyang anak na itinago namin sa pangalang “Jules”, 12 anyos na ngayon.

“Bunso sa anim kong anak si Jules,” ani Toto.

Kagaya ng batang kaedaran ni Jules. Hilig nito ang paglalaro sa labas.  Ika-30 ng Oktubre 2009, bandang 7:00PM. Nagpapahinga na ang mag-asawa sa bahay dahil madaling araw gigising si Toto para mamasada ng traysikel. Napansin nilang wala pa si Jules. Lumabas ang ina nitong si Clarita o “Baby” at nagtanong sa kanyang kalaro.  Nasa bahay po si Jules…”  sabi raw ng kalaro ng anak.

Maya-maya lumabas na itong si Jules at mabilis na nagsumbong sa ina,

“Mama, sinampal ako ni Dennis… yung pulis!” natatakot na sabi nito.

Kwento ni Jules, bumili siya ng ‘ice candy’ kasama ang kaibigan nung gabing yun. Pabalik na sila ng bahay bitbit ang ice candy ng tumayo na lang daw itong si Dennis at binigyan umano siya ng dalawang magkakasunod na sampal.

“Napahinto po ako… napaiyak sa sobrang takot nanakbo ako at nagtago sa bahay ng kaibigan ko,” pagbabalik tanaw ni Jules.

Ayon naman umano sa kalaro ni Jules, naabutan daw nilang nag-iinuman itong pulis. Nung mapadaan sila dun bigla na lang daw silang tinuro ng asawa ni Jules na si ‘Sally’. “Ayan ang anak ni Toto!” sabi raw nito.

Agad daw tumayo si Dennis, lumapit kay Jules sabay sampal sa kaliwang pisngi nito… dalawang beses. Dito na raw sila nanakbo sa loob ng kanilang bahay. Pulang-pula pa raw ang pisngi ni Jules at nanginginig sa takot ng pumasok sa loob.

Ayon kay Toto, dating alitan nila ng pulis ang nag-ugat sa pananampal sa anak.

“Kada magkikita kami, panay siya pweeeh-pweeeh! Palibhasa siga,” sabi ni Toto.

Nakapagpa-‘blotter’ na raw siya sa barangay tungkol dito subalit wala daw nangyari. Ilang beses siyang pumunta sa barangay subalit siya pa raw ang inakusahan nitong pulis ng ‘perjury’ at ‘libel’.

Matapos ang medical examination ni Jules, nagreklamo na ang ina nitong si Baby ng kasong Physical Injuries in relation to RA 7610 (Child Abuse).

Nagkaroon ng pagdinig sa kaso at tinanggi ni Dennis ang pananampal sa sa bata. Ilang tao rin ang tumestigo para sa kanya.

Isa na rito si Temmy Mabag na nagdidiwang noon ng kanyang kaa­rawan ng mangyari ang insidente. Base sa kanyang Sinumpaang-Salaysay ng Pagtestigo:

Malabo raw mangyari ang sampalan dahil kasama raw nila si PO2 Dennis sa bahay nila Freddie Mallillin mula 2:00 ng hapon nasabing petsa dahil selebrasyon ng kanyang kaarawan.

Sinegundahan ni Freddie ang salaysay ni Temmy at sinabing magkakasama nga sila ng gabing yun. Gumawa rin siya ng Sinumpaang Salaysay ng Pagtestigo.

Maging si Pedro Garcia, testigo rin nitong pulis ay nagbigay ng Salaysay.

Ayon kay Pedro, mula umaga hanggang gabi ng ika-29 ng Oktubre 2009, hindi siya umalis ng kanyang tindahan at nagrepak siya ng uling sa labas ng bahay bandang hapon, malapit sa bahay nila PO2 Dennis.

Malabong may nangyari raw inuman nun sa lugar dahil ‘di daw siya nagpainom, nagtinda o pinagbilhan ng alak ang pulis maging mga kasamahan nito.

“Wala akong nasaksihan na away, pananampal ng bata raw, o ano mang kaguluhan, at lalong di ko nakita ang kapitbahay kong si PO2 Custodio…” laman ng salaysay.

Nakita lang daw niyang naglalaro si Jules at kaibigan na noo’y nagtatapon ng mga basura na kanyang nakolekta sa mga kapitbahay.

Ika-22 ng Pebrero 2010, naglabas ng resolusyon si Investigating Prosecutor ACP Ethel Kathleen D. Tugade ng Prosecutor’s Office Caloocan City. Na-dismiss ang kaso. Ayon sa tagausig walang ebidensyang naipre­senta sa Korte o anumang salaysay ng testigo ang naipasa. Nakita rin niya na maaaring ang motibo ng ina ng bata sa pagsasampa ng kaso ay para bigyan ng rekord itong pulis.

Nagsampa ng Motion for Reconsideration (MR) sila Toto. Oktubre 18, 2010 nailabas ang resolusyon para sa MR, Denied ulit ito for lack of merit. Ito’y pirmado ni 2nd Asst. City Prosec. Nestor Dabalos.

Hindi sila tumigil at nagsampa ng Petition for Review sa Department of Justice. Nagkaroon muli ng imbestigasyon ang kaso at inakyat ito sa RTC-Branch 124, Caloocan Family Court.

Nitong ika-6 ng Mayo 2014, nagbaba na ng Warrant of Arrest ang RTC Branch 124 para kay PO2 Dennis I. Custodio para sa kasong Physical Injuries in relation to R.A 7610. Pirmado ito ni Presiding Judge Glenda Cabello-Marin.

Nagtalaga ng piyansang Php80,000 para sa pansamantalang paglaya para kay PO2 Custodio. Agad naman siyang nagpiyansa ayon kina Toto.

Kwento ni Toto, nagsampa rin siya ng kasong administratibo sa Ombudsman laban dito sa pulis. Gusto malaman ni Toto ang estado ng kanyang kaso dahilan para magpunta siya sa aming tanggapan. Itinampok namin si Toto sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ (Lunes-Biyernes 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kung totoo at sakto ang ibinigay na pahayag sa’min nitong pamilya Ramones ang dapat sa’yo PO2 Custodio ay hubaran ng iyong ranggo, uniporme, baril at tsapa.

Napakalaki ng problema mo ngayon dahil nakitaan ng tagausig ng dahilan (probable cause) at pati na rin ng kagalang-galang na hukom na labasan ka ng Warrant of Arrest para sa iyong mga inasal. Maaaring mas malaki ka ‘di hamak sa batang ito subalit dito mapapatunayan na ang babaeng nakapiring ay walang tinitignan o kinikilingan kundi ang katotohanan.

May kasabihan tayo na… ‘Kung ikaw ay mamimili ng aawayin mo dapat ito’y kasukat mo!’

Pinayuhan namin si Toto na pumunta sa National Police Commission (NAPOLCOM) kay SInsp. Delfin Giatao para i-‘follow-up’ ang kanilang kaso.

(KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg.  Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038. Sundan kami sa ‘Official Page’ namin sa facebook ang www.facebook.com/tonycalvento at ilagay ang inyong problema.

Show comments