Kaso ni Napoles ay hindi pa tapos
kaya itong bansa’y naghihikahos;
kahit nakakulong tuloy ang pag-ubos
sa pera ng bayan sa bawat pagkilos!
Labas-pasok siya sa kanyang kulungan
na ang ginagastos ay pera ng bayan;
mga nagtatanod ngayo’y nasasaktan
dahil pondo nila’y nauubos na raw!
Kay dami ng pera na kanyang nakuha
ang tanong ng bayan saan ‘yun napunta?
at ang mga taong tulad nya’y may sala
maganda’t konkreto ang kulungan nila!
Marami sa ating mga kababayan
dahil sa dalita natutong magnakaw;
pag nahuli sila tuloy sa kulungan
bartolina nila’y mabantot malangaw!
Pero tingnan mo nga ang ibang maysala
na napakaraming ninakaw na pera;
kumpleto sa gamit kulunga’y maganda
sa custodial center ang trato’y maganda!
Sa tuwing lalabas sa mga piitan
may escort na pulis at mga militar;
dadalo sa hearing -- pupuntang ospital
mga kamag-anak ay nakaalalay!
Kaya kitang-kita ang malaking agwat
ng taong mapera sa taong mahirap;
maraming ninakaw -- buhay ay masarap
simpleng magnanakaw ang kulunga’y wasak?
at ang mayamang ngayo’y kalabuso
tuloy sa pagwaldas sa pera ng tao;
Diyos ko, Diyos, bakit ba ganito
nangyayari ngayon sa ating gobyerno?