KUNG matagal nang naipasa at naipatupad ang Freedom of Information Bill, wala sanang kontrobersyal at maanomalyang Disbursement Acceleration Program (DAP) at Priority Development Assistance Fund (PDAF) ngayon.
Bago pa man kasi ito gawin ng utak at nasa likod nito, nakita na agad ng taumbayan ang mga kaganapan sa loob ng gobyerno.
Ano-ano ang mga ikakasang proyekto, saang mga rehiyon, probinsya o lalawigan at magkano ang nakalaang pondo. Ibig sabihin, bago pa man ilunsad ang anumang proyekto, naaamoy na agad ito ng publiko o ang mga tinatawag na “watchdog.”
Taong 2010, nangangampanya palang noon si Pangulong Benigno Aquino, ipinangako na niya na ipapasa niya ang FOI Bill sakaling mailuklok siya sa pwesto.
Apat na taon na ang nakalilipas, nakatengga pa rin sa Kongreso ang panukalang batas na ito.
Kahapon, laman ng programa ko sa BITAG Live ang inilabas na pahayag ng pangulo hinggil dito. Sa 2016 na lang daw o bago matapos ang kaniyang termino, tiyak maipapasa na ang FOI Bill.
Sinasadya talaga muna nilang patagalin dahil alam nilang mauungkat ang mga raket at baho ng administrasyon.
Anumang mga proyekto, aktibidades at programa o project, activities at program (PAP), laging may kaakibat na pondo, ayon kay Associate Justice Arturo Brion.
Hindi ito galing sa forced savings o DAP. Lahat ito ay dumadaan sa General Appropriations Act o GAA at pinag-uusapan sa Kongreso.
Kaya hindi kumbinsido si Justice Brion na hindi alam ni DBM Secretary Butch Abad na ilegal ang paggawa nito kahit na sabihin pang ginawa ito “in good faith” at taumbayan ang nakinabang.
Hindi na ito tungkol sa pamamahala at pulitikal kundi ito ay tungkol sa legalidad. Kung naaayon ba sa konstitusyon o Saligang Batas.
Naniniwala ang BITAG Live na para umunlad ang isang bansa, kailangang may maayos na pamumuno, pangangasiwa at nakikita na ang gobyerno ay may pananagutan sa mga mamamayan.
Sa wikang English, ito ‘yung sinasabi ni P-Noy na governance, transparency at accountability sa adbokasiya niyang tuwid na daan.
Ang problema, sila sila lang sa pamahalaan ang nakakaalam sa mga pondo at kaganapan sa loob ng pamahalaan. Ayaw nila itong sabihin at ipaalam sa taumbayan.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.