HINDI pinagsisisihan ni Budget Secretary Butch Abad ang Disbursement Accelaration Program (DAP). Ito ang sinabi niya sa isang television interview.
Iginiit niya na naaayon sa Konstitusyon ang DAP taliwas sa deklarasyon ng Korte Suprema na ito’y illegal.
Aniya – sa paglikha sa DAP, sumunod sila sa Administrative Code of 1987 at gayundin sa Konstitusyon sa realigning ng perang natipid ng pamahalaan upang gamitin sa ibang proyekto.
Lahat ng batas ay may butas. Diyan bihasa ang mga eksperto sa batas. Kaya kung sampung abogado ang tatanungin, malamang sampung magkakaibang opinion din ang lilitaw.
Kunsabagay puwede pa namang magmosyon ang Malacañang para kumbinsihin ang Korte Suprema na baguhin ang opinion na illegal ang DAP. Okay, let it be so. Ngunit kung manindigan ang SC na ito’y illegal, hindi na dapat ipagpilitan ng Malacañang ang paninindigan nito na konstitusyonal ang DAP. Hindi na naaayon iyan sa demokrasya at lalabas na diktador ang Pangulo.
Dapat nating malaman na ang lahat ng pinal na desisyon ng Korte Suprema ay awtomatikong naitatala sa aklat ng batas.
Tulad ng nasabi ko na, dapat mag-galangan ang tatlong sangay ng pamahalaan: Ang Ehekutibo na nagpapatupad ng batas; Lehislatibo - gumagawa ng batas at: Hudikatura – nagbibigay ng paglilinaw sa mga malabong probisyon sa batas.
Kaya ang magagawa na lang ng Ehekutibo ay gumawa ng pag-aaral at magpanukala ng batas sa Kongreso kaugnay ng paggamit sa budget para maipagpatuloy ang layunin ng DAP.
Lahat ng desisyon ng Korte Suprema ay nababatay sa nakasulat sa aklat. Kaya kung magsasalungatan ang Palasyo at Korte, walang patumanggang debate lang ang mangyayari.
Hindi naman tayo one-man rule tulad noong panahon ni Marcos. Kaya may tatlong sangay ang gobyerno ay para magkaroon tayo ng pamahalaang pinapalakad ng konsultasyon at nagkakaisang desisyon o konsensus.