ITO ang tanong sa isip ng ilang mamamayan kaugnay ng diskurso ni Presidente Benigno Aquino III na mapapanood ng buong bansa sa telebisyon mamayang hapon: Ano kaya ang sasabihin ni P-Noy sa kanyang announcement?
Pero may ibang nagtataas na ng kilay dahil nahuhulaan na nilang dedepensa uli ang Pangulo sa ibinasurang Disbursement Acceleration Fund (DAP) ng Korte Suprema.
Humigit-kumulang ay nahihinuha na ng mamamayan ang tema ng talumpati. Sasabihin muli ng Pangulo na hindi nilustay ang pondo kundi ginamit sa mga programang pinakikinabangan ngayon ng bansa. Kaya ngayon pa lang ay may ilan nang napapataas ang kilay.
Sabi ng barbero kong si Mang Gustin, “alam ko na ang sasabihin ni P-Noy. Ginastos ang pera in good faith.”
Tanong ko kay Gustin: “Ano ang gusto mong sabihin ng Pangulo para matuwa ka?”
Sagot niya: “Inaabangan ng mamamayan na mag-sorry siya porke ang DAP pala ay labag sa Konstitusyon ayon sa Korte Suprema.”
Matapos ang resignation ni Budget Secretary Abad na hindi tinanggap ng Pangulo, makikita natin na talagang hindi matitinag ang paninindigan ng Malacañang na tama ang DAP kahit pa idineklara na itong illegal ng Korte Suprema.
Kung magkagayon, bakit hindi na lang buwagin ang Korte Suprema na isang sangkap sa demokrasya para magkaroon ng check and balance sa ating demokrasya?
Mas mabuti pa yata ang isang diktaduryang lantad ang tunay na kulay kaysa isang demokratikong pamahalaan na may bahid ng diktadurya pero ayaw aminin. Muli kong sasabihin, hindi ko kinukuwestyon ang pinagdalhan sa salapi sa ilalim ng DAP. Ang isyu ngayon ay nasa pagiging illegal ng DAP batay na rin sa pasya ng kataastaasang Hukuman. Kung sasalungatin ng Executive Department ang Korte Suprema, lansagin na lang ang Korte, isama na ang Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso.