‘Tenement housing’

SOBRA-SOBRA na ang bilang ng mga nagtataasan at naglalakihang condominium building sa Metro Manila at sa mga kalapit na probinsya. Sa kahabaan palang ng Edsa, kapansin-pansin na ang kaliwa’t kanang high-rise at high-density condominium unit na parang mga bahay ng kalapati sa liit ng mga patong-patong na kahon.

 Hindi pa dito kasama ang mga itinatayo palang na ini-endorso sa radyo, telebisyon at dyaryo ng kung sino-sinong mga personalidad at sikat na artista na mala-5-star hotel at resort living kuno. Estratehiya ito ng mga developer para madaling maibenta ang kanilang mga produkto o condo units pero kung susuriin hindi naman nila kayang panindigan.

 Nobenta porsyento sa mga bumibili ng condo units nga-yon ay pinauupahan nalang. Ang iba, tinitirhan lang sandali pero kalaunan, maghahanap na ng renter. Kaya ang nangyayari, dahil mas marami na ang mga nangungupahan, tumataas ang bilang ng gulo at away. Kung sino-sino na ang mga nakatira at hindi na nila nalalaman ang mga nangyayari sa kanilang ari-arian.

 Maraming ganitong problema ang inilalapit sa BITAG Headquarters ng mga dating bumili at nag-akalang masarap manirahan sa mga condo. Pinagsisisihan na nila ang pagbili nila ng property dahil nakikita na nila ngayon ang iba’t ibang problema tulad ng problema sa kuryente, mga walang modong kapitbahay, problema sa seguridad at iba pa. Ang namamahala, habang tumatagal wala nang pakialam kaya gusto na nilang mag-alisan.

 Sa ganitong mga senaryo, hindi malayo na sa mga susunod pang taon, itong mga low-end condo unit na ito ang magiging sentro ng krimen. Hindi magtatagal, ang mga 5-star hotel living at resort living condo units kuno ay magiging lungga ng mga kriminal, mapupuno ng mgagraffiti o mga sulat ang pader, mapupuno ng mga damit na sampay at magiging mapanghi na parang halos isumpa mo nang huwag tirahan. Ang tawag doon, tenement housing.

 Pinabango lang ang tawag. Kunwaring condo pero ang mga nakatira walang disiplina at walang modo. Sa dami ng mga nagsusulputang parang mga kabuteng condo, nababahala na rin ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP). Ayaw mangyari ng BSP ang nangyari sa Amerika noong dekada sitenta o ang “bubbles.”

 Sa sobrang dami ng mga condominium unit, wala ng bumili na naging dahilan ng pagbagsak ng ekonomiya ng real estate sector at ng Estados Unidos. Kaya nitong nakaraang linggo, naglabas ng bagong regulasyon ang BSP hinggil sa paghihigpit ng mga bangko sa pagbibigay ng credit limit sa mga real estate developer.

 Layunin nito na limitahan ang bangko, suriin ang pagbibigay ng mga loan at higpitan ang pagpapahiram ng kapital sa mga real estate investor ganundin sa mga buyer. Ayon kay BSP Assistant Governor Johnny Noe Ravalo, naging problema na dati ang real estate crises kung saan biglang nagtaasan ang presyo ng mga real estate property at hindi na namonitor ng ahensya dahil sa sobra-sobrang pagpapahiram ng bangko sa mga imbestor.

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

Show comments