NOON pang nakaraang taon napabalita ang peste sa mga niyog. Unang nakita ang mga peste ng niyog sa isang bayan sa Batangas kung saan ang mga dahon at bunga ng niyog ay namutiktik sa dami ng mga puting insekto na animo’y dapulak. Dahil sa mga insektong ito, napigilan ang pagbunga ng mga niyog. Marami ang nanilaw ang dahon at namatay. Nawalan ng ikinabubuhay ang mga magniniyog dahil sa peste na kinalaunan ay tinawag na “cocolisap’’.
Walang ginawang aksiyon si Agriculture Sec. Proceso Alcala. Ni hindi man lang yata niya binisita ang mga napinsalang niyog sa Batangas. Nanatili lang siya sa kanyang malamig na tanggapan habang walang awang inuupakan ng mga ‘‘cocolisap’’ ang mga niyog. Ni ha ni ho ay walang narinig sa kanya ukol sa peste. Hanggang ngayon, wala pang gamot o pesticide na ginagamit para mapatay ang mga “cocolisap’’. At ang matindi pa ngayon, hindi lamang mga niyog ang pinipeste ng ‘‘cocolisap’’ kundi maging ang mangosteen, lansones at bayabas. At hindi lamang sa Batangas ngayon namemeste ang ‘‘cocolisap’’ kundi kumalat na sa Cavite, Laguna at Quezon na probinsiya ni Alcala. Meron na rin daw sa Polilio Island at sa Davao.
Ayon sa report, mahigit P200 million na ang lugi dahil sa pinsalang hatid ng ‘‘cocolisap” sa industriya ng niyog at bawat araw ay nadadagdagan sapagkat parami nang parami ang mga nasisira. Totoong mas mabilis ang pagkalat ng ‘‘cocolisap’’ kaysa sa pagkilos ng Agriculure department upang malipol ang peste. Masyado bang narindi si Alcala sa mga paratang ukol sa pork barrel scam kaya hindi niya nabigyang pansin ang mga ‘‘cocolisap’’? Hanggang ngayon hindi mahagilap si Alcala para mahingan ng paliwanag at plano ukol sa ‘‘cocolisap’’. Lilipulin ba ang mga “cocolisap” o hahayaan na lang?
Ipinuwesto ni President Aquino si dating senador Francis Pangilinan bilang Presidential Assistant on Food Security and Agricultural Modernization, pero prayoridad niya ang mga ‘‘buwitreng’’ rice trader. Maaaring hindi kayanin ni Pangilinan ang sabay na paglipol sa mga ‘buwitre’ at ‘‘cocolisap’’ kaya dapat magtalaga si P-Noy ng taong mangangasiwa sa problema sa coconut industry. Dapat mapuksa ang ‘‘cocolisap’’ kasabay ng ‘‘buwitreng’’ rice traders.