NOONG nakaraang taon, 500 tao ang nasagasaan sa Metro Manila dahil sa pagtawid sa hindi tamang tawiran, ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA). Nahagip sila nang mga humahagibis na sasakyan nang biglang tumawid. Pinakamarami umanong nasagasaan sa Roxas Blvd at Commonwealth Avenue.
Ilang araw na ang nakararaan, dalawang babae na naman ang nasagasaan sa Roxas Boulevard. Nahagip sila ng isang humahagibis na SUV. Nabalian ng mga buto ang dalawa pero himala namang nakaligtas. Tumawid sila sa hindi dapat tawiran. Akala siguro dahil madaling araw ay walang gaanong sasakyan. At siguro rin, sanay na silang makipagpatintero sa mga sasakyan. Kahit may overpass, hindi sila gumagamit at mas gustong tumawid sa hindi dapat tawiran.
Marami nang namatay sa mga tumatawid sa hindi naman dapat tawiran lalo na kung gabi. Hindi sila nakikita ng mga drayber kaya tumbok na tumbok sila. Mayroong nagkakalasug-lasog ang katawan dahil nasagasaan sa mismong gitna ng kalsada at ang iba ay nakaladkad pa.
Hindi na pinapansin ang mga karatula ng MMDA na nagpapaalala na huwag tumawid sa kalsada sapagkat delikado. Kahit may pananakot pa ang nakasaad sa karatula gaya nito: “Bawal tumawid, may namatay na rito”, ay walang epekto at patuloy sa pagtawid ang matitigas ang ulo.
Pero sabi ni MMDA chairman Francis Tolentino, tapos na ang araw ng pasaway na jaywalkers. Hindi na uubra ang pagtawid-tawid na ginagawa sa kalsada. Maghihigpit na sila. Tataasan na rin daw ang multa ng jaywalkers. Mula P200 na multa ay gagawin nang P500. Sabi ni Tolentino, sa pagtataas ng multa, maaaring matakot na ang jaywalkers at tatawid na sila sa tamang tawiran. Kapag hindi raw magbayad ng P500 ang jaywalker, sasailalim siya sa tatlong araw na community service.
Nararapat ang kampanyang ito para wala nang mamatay habang tumatawid sa kalsada. At sana naman, hindi na ito ningas-kugon lamang. Sana totohanan na para mailayo ang mga tao sa disgrasya. Lagyan ng harang ang mga island para walang makatawid at piliin ang tamang pagtatayuan ng mga overpass para magamit. Kapansin-pansin na maraming overpass na ginastusan nang milyon pero nasasayang lang dahil walang gumagamit.