NGAYON ako naniniwala na “super-bagyo” ang lakas ni Budget Secretary Butch Abad kay Presidente Aquino.
Headline: Butch Abad, nagbitiw pero hindi tinanggap ng Pangulo.
Matindi ang public perception na may pagkakasala si Abad kaya sa tingin ko, kahit may tiwala pa ang Pangulo sa kanyang budget chief mas mabuti kung tinanggap niya ang resignation. Wala akong personal na galit kay Abad.
Ngunit kung ako siya, mauunawaan ko tanggapin man ni P-Noy ang aking pagbibitiw.
Uminit ang public clamor o panawagan ng taumbayan sa pagbibitiw ng Budget Chief dahil sa usapin ng Disbursement Accelaration Program (DAP) na idineklarang labag sa Konstitusyon ng Mataas na Hukuman. Si Abad ang may ideya sa DAP.
May karapatan ang Pangulo para tanggapin o balewalain ang resignation ng sino man sa kanyang mga opisyal. Pero ibang usapin ito. Ang “boss” ng Pangulo (mamamayang Pilipino) ang nananawagan ngayon na tanggalin siya sa puwesto.
Si P-Noy mismo ang nagsabi na nagharap sa kanya ng pagbibitiw si Abad at ipinasya niyang huwag itong tanggapin. Ginawa niya ang pahayag bago magsimula ang Cabinet meeting na tumalakay sa 2015 national budget sa Malacañang.
Kung ako’y division head ng isang kompanya at inatasan ako ng CEO na sibakin ang isang empleyado, ipagtatanggol ko muna siya pero kahit pa ito’y pinagkakatiwalaan ko, wala akong magagawa kundi alisin siya kung igigiit ng aking boss. O kaya kung may prinsipyo akong division head ay magbibitiw na rin ako.
Sa kaso ng Pangulo, ang taumbayan na tinatawag niyang “boss” ang siyang mainit sa panawagang magbigtiw si Abad.
Dumepensa pa kay Abad ang Pangulo sa pagsasabing walang masamang ginawa si Abad at sa halip, nakatulong ang DAP sa bansa.
At dahil pa rin sa usaping ito, may mga nagluluto ng impeachment case laban mismo sa Pangulo na isang bagay na di ko naman pinapaboran dahil aksaya lamang ng oras at pera.