Pinakatanyag na listahang napapag-usapan ngayon ang Napoles-PDAF o ang “Napolist.” Kasunod ang talaan ng National Artists at ang pagbalewala ng Pangulo kay Ms. Nora Aunor na No. 1 sa listahan. Pulitika at Pelikula – ang dalawang larangan na pinakamatimbang sa puso ng lipunan kaya napapag-usapan. Ang una’y humahamon sa ating talino, ang huli naman ay sa ating damdamin.
Hindi nalalayo sa sentro ng debate ang papel na ginagampanan ng Pangulo. Sa Napoles-PDAF, nakabibingi ang usapan tungkol sa nakabibiglang partisipasyon ng mga opisyal ng pamahalaan. Hindi lamang ang ingay ng pagtanggi ng mga Senador ang kapuna-puna. Ganoon din ang ingay ng pag-depensa ng Malakanyang sa kanilang mga kapartido. Kung tutuusin ay mas maingay pa ang pagkatikom ng bibig ni PNoy sa mga kampon niyang sentrong sentro sa kontrobersya.
Sa National Artist scandal ay mas mabigat ang ginagampanang papel ng Pangulo sa kontrobersya. Kung ano man ang kanyang pagdalawang isip tungkol sa kwalipikasyon ni Ms. Aunor, pinaliwanag na sa kanya na hindi ito balakid sa paghirang ng huli bilang National Artist. Sa kabila nito ay pilit pa rin initsa-pwera ng Pangulo ang pangalan ni Ms. Aunor.
Kung inaakalang sa dalawang okasyon lamang lumutang itong problema ng Pangulo sa mga listahan, mayroon pang pangatlong pagkakataon na nagpatunay sa kanyang kawalan ng pasensya sa patakaran. Ito ay ang pagsauli niya sa Judicial and Bar Council (JBC) ng listahan ng nominado para sa posisyon ng Sandiganbayan Justice. Gaya ng sitwasyon sa National Artist, ang JBC ay dapat ring magsubmit ng listahan na pagpipilian ng Pangulo. Ayon sa Saligang Batas, kailangang mamili ang Pangulo sa listahang dumaan na sa pagsusuri ng JBC. Bahagi ito ng checks and balances na namamagitan sa judiciary at sa ehekutibo. Gaya din ng nangyari sa National Artist, hindi rin nirespeto ng Pangulo ang listahan na nauna nang pinasadahan ng mga eksperto.
May bago na tuloy na listahan. Ang listahan ng mga Pangulong hindi sumusunod sa patakaran. No. 1, Gloria Macapagal Arroyo at No. 2 sa listahan, Benigno C. Aquino, III.