EDITORYAL - Ibalik ang pera

UNCONSTITUTIONAL o illegal ang ilang naging hakbang sa Disbursement Acceleration Program (DAP) ayon sa desisyon ng Supreme Court na inilabas noong Martes. Idineklarang illegal sapagkat hindi lehitimo ang savings na pinanggalingan ng pondo. Illegal din ang paglilipat ng savings o pondo patungo sa ibang sangay ng pama­halaan, mga programa at proyekto na hindi sakop ng General­ Appropriations Act. Illegal din ang paggamit ng unprogrammed funds kung walang certification mula sa National Treasury. Ayon pa sa SC, nilabag nito ang Section 25 ng Article 6 at doctrine of se­paration of powers.

Sa pagkakadeklarang illegal ang DAP, luma­labas na hindi dapat ipinamudmod ang pondo nito sa mga senador gaya ng ginawa noong 2012. Umabot­ sa kabuuang P1.107 billion ang pina­mudmod sa 19 na senador. Inamin naman noon ni Budget Sec. Butch Abad na ang ibinigay na pondo sa mga senador ay galing sa DAP. Ang DAP ay nilikha umano noong 2011 para makapag-accelerate­ ng pondo at makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya. Nang magsalita si Sen. Jinggoy Estrada noong nakaraang taon, inamin niyang nakatanggap ang mga senador ng P50 milyon anim na buwan makaraang ma-impeached si Chief Justice Renato Corona noong Mayo 2012. Maski si Jinggoy ay nakatanggap din ng pera mula sa DAP.

Ngayong dineklarang illegal ang DAP, nararapat nang magpakita ng delikadesa ang mga senador at mambabatas na nakatanggap ng pondo. Labag sa batas ang ginawang pamumudmod ng pondo kaya dapat lamang isauli ang pera. Hindi kanila ang perang pinamigay kundi sa taumbayan. Mas matutuwa ang taumbayan kung may mambabatas na mangunguna na ibalik ang pera. Kung maisasauli nila ang pera, magagamit ito sa maraming pa­ngangailangan ng taumbayan lalo ang mga naghihikahos o ang mga nasalanta ng bagyong Yolanda na hanggang ngayon ay hindi pa nakababangon.

Maawa naman sa mamamayan ang mga nag­kamal ng pera mula sa DAP.

Show comments