Hotlines: 09213263166, 09198972854
Tel. Nos.: 6387285, 7104038
“PWEDE ba request… pa-‘kiss’!” sabik na sabi ni ‘Vandolph’ sa asawa sa harap ng mga pulis sa Camp Crame.
Sa halip na bandang may torotot, tatlong pulis na may baril at posas mula sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang sumalubong kay “Vandolph” (hindi anak ni Dolphy) sa ‘airport’.
“Nagtago ako sa likod ng halamanan sa NAIA… malayo pa lang ng makita ko siya tinuro ko na siya sa mga pulis saka ko mabilis na pumasok sa loob ng mobile,” kwento ni ‘Baby’.
Maalalang una ng lumapit sa aming tanggapan ang misis ni Vandolph na si Francisca Tolosa o “Baby” 50 anyos. Inihihingi niya ng tulong ang pagdakip sa asawang may ‘warrant of arrest’ si Domingo Tolosa Jr. alyas ‘Vandolph’. Isinulat namin ang kwento ni Baby at pinamagatang “Masing-sing(an) usapan”.
Kasong R.A 9262 o Violence Against Women and their Children ang sinampang kaso ni Baby laban sa mister.
Sa isang pagbabalik tanaw, taong 2004, nang magkakilala sila sa Antipolo malapit sa simbahan. Tumutulong sa karinderya sa paradahan ng pinsan si Baby. Isa naman si Vandolph sa mga drayber na kumakain sa kanila.
Nangulit si Vandolph kay Baby. May anak sa pagkadalaga si Baby at mas matanda ng higit 11 taon sa lalaki kaya’t sinubukan niyang umiwas subalit masigasig si Vandolph at napasagot din siya.
Nagsama agad ang dalawa at nabuntis itong si Baby. Nauwi ang lahat sa kasalan sa Huwes sa Camalig, Albay.
Hindi kalakihan ang kita ni Vandolph sa pamamasada kaya’t taong 2008 nagdesisyon itong magtrabaho sa Saudi Arabia bilang company drayber.
Malayo man maayos ang naging komunikasyon nilang dalawa hanggang dumating ang buwan ng Hulyo 2012, nanlamig na ng tuluyan ang mister.
Nakakita siya ng resibo ng singsing sa isang jewelry shop sa Riyadh. Ang nakalagay ‘W.Ring’. Nalaman niyang may babae na raw si Vandolph…si “Tekya” isang Domestic Helper sa Hong Kong.
Nitong huli nagpost pa ng picture sa Facebook (FB) itong ang mister habang yakap ng mahigpit si Tekya sa parke sa Hong Kong. Suot pa raw ang binili ni Vandolph na singsing at ang nakalagay na ‘caption’, “Sinong nakipag-date sa ibang bansa. Itaas ang mga paa. Yawwwwww.”
Dahil sa mga natuklasan ni Baby at pagtigil ni Vandolph sa pagsustento sa anak nagsampa siya ng kasong R.A 9262. Bumalik siya sa Saudi Marso 13, 2013.
Naglabas ng resolusyon si Associate City Prosec. Jennifer De Lumen nung ika-17 ng Abril 2013. Nakitaan ng probable cause ang kasong RA 9262 habang ‘lack of evidence’ naman ang para sa RA 7610.
Ibinaba ang warrant of arrest laban kay Domingo Tolosa Jr., para sa kasong Viol. of Sec.5 (i) in rel. Sec. 6(f) of RA 9262 in rel. to Sec. 5 (K) of RA 8369.
Nagsadya siya aming tanggapan ika-4 ng Marso 2014 para tulungan siyang mapahuli ang mister. Ika-16 ng Hunyo 2014, nagbalik sa aming tanggapan si Baby. May nagbalita sa kanyang uuwi na itong si Vandolph sa Pilipinas.
Ibinigay sa kanya ang mga detalye. Ayon sa impormante, Ika-18 ng Hunyo ang lapag ng eroplano nila Vandolph lulan ng Saudi Airlines.
Mabilis kaming nakipag-ugnayan kay P/SSupt. Rudy Lacadin, Deputy Director for Operations ng CIDG, Camp Crame.
Matapos mabigyan ng ‘referral’, kinabukasan ika-18 ng Hunyo, mabilis na pumunta si Baby sa tanggapan ng CIDG.
“Alas singko pa lang ng madaling araw gising na ako… 5:30 nasa byahe na ako ng Antipolo,” kwento ni Baby.
Eksakto 8:00 ng umaga nasa Crame na si Baby. Kinausap siya ng taga CIDG at tinignan ang kopya ng ‘warrant of arrest’ na kanyang hawak.
Mabilis na tinawag ang tatlong pulis ng CIDG para eskortan si Baby papuntang NAIA Terminal 1. Sumakay sila sa kotse ng CIDG kasama sina SPO1 Ariosto Rana, PO2 Dioscoro Merano Jr., PO1 Ramil Tirona.
Alas onse ng umaga ng makarating sila sa airport. Benirepika muna ng mga pulis kung anong oras ang lapag ng eroplano ni Vandolph. Nakumpirma nilang 1:40PM ang baba nito at meron ngang nakasakay na Domingo Tolosa Jr.
Pagbabang-pagbaba ng flight SV862 kung saan nandun si Vandolph, agad nagbantay ang mga awtoridad at nag-abang sa kanya.
“Hindi ko alam kung sisikmurain ako. Pinagpapawisan ako ng malamig para akong naduduwal habang inaabangan ko siyang lumabas,” pagsasalarawan ni Baby.
Alas dos bente na ng hapon ng makita ni Baby ang asawa. Nakamaong, naka-‘t-shirt’ at body bag. Habang tulak ang maleta at bitbit ang isang paper bag.
“Sir, ayan asawa ko!” sabi ni Baby habang nakaturo kay Vandolph.
Parang artistang nilapitan siya ng mga pulis. Ipinakita ang ‘warrant of arrest’, pinapirma siya sabay kinuhaan ng litrato.
“’Di na siya pinosasan. Hindi siya pumalag. Diretso siya sa mobile. Katabi siya ng mga pulis, sa likod nila ako… wala kaming kibuan” ani Baby.
Pinagharap sila Baby at Vandolph pagdating sa Crame.
“Anak mo? Bakit ‘di mo kasama?” tanong daw ni Vandolph sabay sundot na “Pwede request? Pahalik?” sabi raw nito.
“Kapal ng mukha mo. Nahuli ka lang ganyan ka na?” sabi ni Baby.
Dahil si Baby ang ‘legal wife’ nagkaroon ng kasulatan na sa kanyang mapupunta ang lahat ng dala ng mister.
“Yung laman ng maleta pambabae lahat, blower, bag, sabon, colgate, wallet at isang rubber shoes at halagang P6,000. Para siguro yung kay Tekya aba kinuha ko ng mapakinabangan,” sabi ng misis.
Tinanong si Baby ng pulis kung gusto pa nila mag-usap ni Vandolph subalit mabilis na sagot ni Baby “Hindi na!” sabay hatak ng maleta.
Kinulong si Vandolph sa CIDG. Kinailangan niya magpiyansa ng P24,000 para makalabas ng kulungan para sa pangsamantala niyang paglaya.
“Nagpapasalamat po ako sa pagtulong ninyo sa paghuli sa asawa ko. Talagang nakuha ko na ang hustisya,” sabi ni Baby.
Itinampok namin si Baby sa ‘CALVENTO FILES’ sa radyo. Ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” ng DWIZ882KHZ AM BAND (Lunes-Biyernes) mula 2:30-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).
Minsan pa nais naming pasalamatan si PSSupt. Lacadin sa pagtulong kay Baby at kina SPO1 Rana, PO2 Merano Jr., PO1 Tirona sa paghuli kay Vandolph. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL) SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal magpunta sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig. O magtext sa 09213263166, 09213784392, 09198972854. Landline 6387285 / 7104038.