KAHAPON, saglit lang umulan sa Quezon City pero nagdulot na agad ng pagbaha sa ilang mababang lugar. Ang pagbaha ay nagdulot ng trapik sa bahagi ng Commonwealth Avenue at Quirino Highway. Walang bagyo ayon sa PAGASA at ang nararanasang pag-ulan sa dakong hapon o gabi ay dulot lamang ng habagat.
Noong nakaraang linggo, umulan din sa loob nang maikling oras at maraming kalsada rin sa Metro Manila ang nagmistulang dagat. Maraming na-istranded na pasahero. Walang makabiyahe sapagkat hanggang baywang ang baha lalo na Buendia Ave., Makati City. Sa EDSA-Shaw Blvd. underpass ay bumaha rin. Ang Pasong Tamo Ext. sa Makati City ay hindi naman madaanan. Nagkaroon din ng pagbaha sa Taft Avenue, Manila at sa A. Bonifacio cor. Retiro St. sa Quezon City.
Naranasan mismo ni President Noynoy Aquino ang mabigat na trapik sapagkat naatrasado ang pagdating niya sa isang pagtitipon sa isang hotel sa Makati kung saan ay panauhing pandangal siya.
Wala pang 30 minutos ang pag-ulan kahapon sa QC pero grabe na ang idinulot na pagbaha. Paano pa kung bagyo na ang nanalasa? Baka maulit ang “Ondoy” na lumubog ang Metro Manila.
Barado ang mga daluyan ng tubig kaya may pagbaha. Kung malinis ang mga drainage, tiyak na tuluy-tuloy ang tubig at hindi aapaw sa kalsada. Tiyak na maraming plastic bags, pakete ng noodles, sachet ng shampoo, styro, at kung anu-ano pang basurang hindi nabubulok ang nakabara sa mga kanal at drainage. Itinapon ng mga walang disiplinang mamamayan. Sabi ng Department of Public Works and Highways (DPWH), naisagawa na nila ang paglilinis sa mga daluyan ng tubig. Hindi raw tumitigil ang flood control team sa paglilinis ng mga drainage. Pero sa nangyaring pagbaha kahit mahina lang ang ulan, maaaring kulang pa ang kanilang aksiyon. Hindi kaya ang dahilan ng pagbaha ay dahil maraming ginagawang paghuhukay sa mga kalsada? Kung bakit kasi kung kailan tag-ulan saka naghuhukay!