Pakiburiki

EWAN ko kung si LTFRB chairman Winston Ginez ay nagburiki muna sa mga nakabimbing aplikasyon ng mga transport group nang siya’y umupo sa ahensiya. Kasi nga mga suki, lahat ay kanyang napansin. Tulad sa mga colorum na sasakyan at pagpapatupad ng penalty sa mga naaksidenteng bus. Mukhang hindi napag-ukulan ng pansin ni Ginez ang gabundok na aplikasyon ng mga transport group sa kanyang opisina, hehehe! Una na riyan ang pana­wagan ng mga UV Express na nagprotesta sa Quezon City Circle hindi dahil kinakampihan nila ang mga colorum na kasamahan kundi gisingin siya sa pagkakatulog sa mga aplikasyon ng transport operators. Sa ngayon, walang may lakas ng loob na magkolorum dahil mahal pa sa sasakyan ang penalty. Kung babatayan ang mga sumbong sa akin ng OFWs na bumili ng sasakyan, hindi sila nagkulang sa requirements na isinumite sa LTFRB noong panahon ng Arroyo administration na naipasa sa kasalukuyang admi-nistration. Mukhang hindi marunong lumingon ang alipores ni Pres. Noynoy Aquino sa kaluwagang ipinagkaloob ni GMA sa OFWs kaya hanggang ngayon walang legalidad na pinanghawakan ang mga ito.

Nang dumating si Ginez sa LTFRB gumuho ang pangarap ng mga OFW na kumita sa pamamagitan ng isang sasakyan na maibiyahe. Lumalabas na pera-pera na ngayon ang kalakaran at ang naiipit ay mga OFW na naghahangad ng kaunting kaginhawahan. Noong nakaraang Huwebes nag-rally ang taga-Customs upang kondenahin ang pahirap na accreditation ng trucking firm na sinamahan ng truck operators. Ibinunyag ng truck operators ang panibago na namang problema sa pagpaparehistro para makakuha ng tinatawag na provisional authority para makabiyahe sa loob at labas ng South Harbor at MICP. Sa kabila ng kanilang pagtalima para makakuha ng LTFRB provisional authority, tumindi ang palakasan sa ahensya upang mabigyan ng provisional authority. Ang lagayan ay hanggang P30,000 na dati P2,500 kapalit ang provisional authority. Chairman Ginez pakiburiki ang reklamo sa iyong mga tauhan nang maliwanagan ang taumbayan.

Abangan!

 

Show comments