May trabaho ba?

LUMABAS na ang resulta ng Nursing Board exams, at 11,200 ang nakapasa. Siyam sa Top 10 ay mga nakatapos mula sa UST. Sigurado maraming masasayang pamilya, lalo na ang mga magulang na nagsikap mapaaral ang kanilang mga anak. Pero kapag natapos na ang selebrasyon, ang tanong ay kung may mapapasukan silang trabaho dito, o sa ibang bansa.

Sa ngayon, mas maraming nurse kaysa sa trabahong mapapasukan sa bansa. Hindi naman dumadami ang mga ospital at klinik, habang taun-taon may mga nagtatapos ng nursing. Mga dialysis center ang alam kong nagbubukas ngayon pero mga espesyalistang nurse ang hinahanap nila. Hindi rin nakakatulong na may mga ospital na namimili ng mga nurse mula sa mga kilalang school lamang. Masasabi rin na karamihan ay hindi magtatrabaho sa probinsiya, at sa Metro Manila gusto. Sigurado kailangang-kailangan ng mga nurse sa mga probinsiya, pero wala sa mga plano nila. Kaya ang nangyayari ang mga hindi makapaghanap ng trabaho bilang nurse ay pumapasok na muna sa mga call center o nagnenegosyo na muna.

Hindi rin ganun kadaling maghanap ng trabaho bilang nurse sa ibang bansa. Tapos na ang mga araw na kaila-ngang-kailangan ng mga nurse sa U.S., kung saan pati mga doktor ay kumukuha na rin ng nursing para makapagtrabaho, dahil sa laki ng sahod kumpara sa sahod ng mga nurse sa Pilipinas. Sa ngayon, huminto ang pagtanggap ng nurse sa U.S. Hindi pa alam kung magbubukas muli para sa mga nurse mula sa ibang bansa.

May mga bansang tumatanggap ng nurse mula sa Pilipinas, pero ito ang mga bansang hindi Ingles ang pangunahing salita tulad ng mga bansa sa Middle East at Japan. Mahirap makipag-usap maliban na lang kung mag-aaral ka ng kanilang salita. Ang gusto rin nila ay mga nurse na nakapagtrabaho na ng dalawang taon, at hindi mga bagong nagtapos. Kaya ang mga nurse pa ang nagbabayad sa ilang ospital para makapasok sa kanilang training program, at maibilang bilang working experience.

Maganda sana kung sa bansa na lang magtrabaho lahat ng nurse. Pero dahil sa baba ng sahod, wala silang magawa kundi sumubok makahanap ng trabaho sa ibang bansa.

 

Show comments