BAGO magsagawa ng arraignment ang Sandiganbayan kay Sen. Bong Revilla nung nagdaang linggo ay nagtangka ang prosekusyon (DOJ) na amyendahan ang reklamo laban sa kanya.
Imbes na kasabwat lang, gustong palabasin na si Revilla ang utak sa P10 bilyong pork barrel scam. Hindi kaya naisip ng prosekusyon na si Revilla ay inisyuhan ng arrest warrant base sa naunang impormasyong inihain laban sa kanya?
Kapag binago ang naunang impormasyon, gagawa na naman ng panibagong pagaaral sa merito nito at babawiin muna ang arrest warrant at makalalaya si Revilla. Ganyan din ang mangyayari kung aamyendahan ang reklamo kina Sen. Jinggoy Estrada at Juan Ponce Enrile. Back to square one at made-delay ang kaso. Hangad ng lahat na mapabilis ang proseso para hindi abutan ng pagpapalit ng administrasyon.
Gumawa rin pala ng amended information ang prosekusyon laban kay Sen. Jinggoy Estrada na iniatras din bago pa man maiharap sa Sandiganbayan. Malinaw ang intensyon. Aalisin ang pagiging mastermind kay Janet Lim Napoles at ililipat sa mga inaakusahang Senador.
Sabi nga ng abogado ni Estrada, ang pag-amyenda ay nagpapakita lamang na inapura ang pagsasampa ng reklamo laban sa kanyang kliyente. Itinuturing ng kampo ni Estrada na ito ay pabor sa kanila.
Kahit hindi abogado ang lahat ng mamamayang Pilipino, hindi sila bobo para hindi maintindihan iyan. Parang may mga “tusong” utak na umaandar para paboran si Napoles. Para siya ang lalabas na pinakamaliit ang kasalanan at pupuwede na siyang maging state witness. Baka takot sila na kapag nainis si Napoles ay ikakanta silang lahat.
Noon pa humihirit ang ilang taong gobyerno na gawing state witness si Napoles. Mabuti ang hindi ito pumasa sa Korte dahil lumalabas na siya ang pinaka-guilty at ang mga mambabatas na sangkot ay mga kasabwat lang.
Matalino na ang taumbayan. Iyang mga “pabagu-bagong” istrok na iyan ay malinaw na panggagago sa mga “boss” ni Presidente Aquino.