BAKU-BAKO ang “daang matuwid” ni President Noynoy Aquino. Inuusig niya ang Panguluhang Arroyo at mga Oposisyon sa labis na katiwalian. Pero binabalewala niya ang kabuktutan at kapalpakan ng mga sariling tauhan.
Mahaba na ang listahan ng mga in-expose na tiwali at mali-mali sa P-Noy admin: DENR Sec. Paje, DOTC Sec. Abaya, NAIA GM Honrado, PNP chief Purisima, atbp. Hiniya na ni P-Noy sa State of the Nation, pinapanatili pa rin niya hanggang sapilitang umalis si Customs chief Biazon. Walong buwan mula nang ibunyag kong unqualified si NFA head Calayag, dahil U.S. citizen at walang alam sa food logistics, saka lang pinalitan ni P-Noy nitong linggo. Kung hindi ko pa nilantad ang pagkontrata sa tiyuhin nang P517 milyon, palalawigin pa sana si Vitangcol sa MRT-3 miski sinangkot sa pangingikil sa Czech supplier.
Pinaka-malala sa mga pinalalawig ni P-Noy si Agriculture Sec. Proceso Alcala. Ito ang nagpasok sa palpak na Calayag. Ito ang sumablay sa pangakong rice self-sufficiency simula 2013. Ito ang maysala sa pagtaas ng presyo ng bigas noong nakaraan at muli nitong Hunyo, bagamat katatapos pa lang ng dry-season harvests at kararating pa lang ng imported rice mula Vietnam. Ito ang hinabla na ng P3.4-bilyong plunder sa pag-import ng naturang bigas. Pero nariyan pa rin.
Dahil atubili si P-Noy, mga kabataan na ang nagpapaalis kay Alcala. At ito’y sa pamamagitan ng isa muling sakdal ng plunder at graft. Batay sa Commission on Audit report, pinaratangan siya ng Youth Action Now ng pagbigay ng P75 milyon sa 17 pekeng NGOs ni pork barrel fixer Janet Lim Napoles, nu’ng congressman siya sa Quezon. Pineke pa nila ang pangalan at pirma ng 41 inosenteng suppliers.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com