NGAYON ang kapistahan nina San Pedro at San Pablo. Tinupad nila ang tagubilin ni Hesus na ipangaral ang Salita ng Diyos. Sila ang naging pundasyon ng Kristiyanismo. Ang kanilang dugo at ng iba pang alagad ang dumilig para sumibol sa daigdig ang aral ni Hesus.
Si Pedro (ang bato) ang pundasyon ng simbahan na itinatag ni Hesus. Sinabi ni Hesus sa kanya: “Mapalad ka Simon na anak ni Jonas sapagkat ang katotohanang ito ay hindi ipinahayag sa iyo ng sinuman kundi ng Amang nasa langit. Sinasabi ko sa iyo, ikaw Pedro, sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking simbahan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit; ang ipagbawal mo sa lupa ay ipagbabawal sa langit at ang ipahintulot mo sa lupa ay ipahihintulot sa langit.”
Ito ang tunay na pundasyon ng tunay na simbahan na itinayo ni Hesus sa sangka-lupaan. Itinayo ito ni Hesus upang ang sinumang sumira at magkanulo sa simbahang ito ay hindi magtatagumpay. Sa kabila ng kahinaan ni Simon, pinatawad siya ni Hesus at binigyan nang makalangit na kapangyarihan upang pamunuan ang Kanyang Iglesia. Napaglabanan ni Pedro ang anumang pagsubok. Sabi niya : “Ngayon ko natitiyak na totoo palang lahat! Sinugo ng Panginoon ang Kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa inaasahan ng mga Hudyo na mangyayari sa akin”.
Maging si Pablo sa kabila ng kanyang pag-usig sa mga taga-sunod ni Hesus ay pinili din ng Panginoon. Sabi ni Pablo: “Pinatnubayan ako ng Panginoon at binigyan ng lakas upang maipahayag sa mga Hentil ang salita. Naligtas ako sa kapahamakan. Purihin Siya magpakailanman, Amen!”
Kaya ang tunay na simbahan ay pinamunuan ni Pedro simula pa noon hanggang ngayon. Kaya ang PAPA ay kabuuan ng tatlong salita: Petrus, Apostol, Pontifex, Acuositatem. Ibig sabihin nito, si Pedro na apostol ay may matatag na pamumuno ng simbahan.
Gawa 12:1-11; Salmo 33, Ikalawang sulat ni Pablo kay Timoteo at Mateo 16:13-19
* * *
Happy birthday kay Fr. Rolando de Leon, kura paroko ng Olfatima, Meralco Village, Lias, Marilao, Bulacan.