Kriminal na kaugalian

MABUTI naman at ang Google na mismo ang nagtanggal ng isang blog na itinayo umano ng isang taga-Singapore. Ang blog ay naglalaman ng lahat ng reklamo laban sa mga Pilipinong nasa Singapore ngayon para magtrabaho. Walang pinipili ang blog kung OFW man o empleyado ng malaking kompanya. Kung Pilipino ka, ikaw ang pakay ng suklam ng blog.

At napakasama nga naman ng blog na ito. Tinuturo sa mga taga-Singapore kung paano asarin at inisin ang mga Pilipino nang hindi lumalabag sa batas. Banggain daw habang naglalakad, sundutin habang nakasakay sa mga bus, at kapag kumain daw sa isang kilalang fast-food chain na itinayo sa Singapore, magkalat nang husto at pintasan nang husto ang pagkain. Bastusin din ang mga waiter na Pilipino at kapag nakitang nasaktan sa lansangan, tawanan pa raw. Napakasarap makilala ang nagtayo ng blog na ito at alamin ang kanyang lahi.

Tandaan na ang Singapore ay nabubuo nang mara-ming lahi. Walang tunay na taga-Singapore dahil mga galing China, India, Malaysia, Indonesia at iba pa ang mga mamamayan nito. Kaya para magsalita sila ng ganyan ay malinaw na pagkukunwari. Naglabas ng pahayag ang gobyerno ng Singapore na hindi ganito ang katayuan ng kanilang bansa, ng kanilang pagkatao, dahil kinikilala ang tulong na naibibigay ng mga banyagang nagtatrabaho ngayon doon. Pero hindi naman nila tinanggal o pinatanggal ang blog. Ang Google na mismo ang kumilos.

Maliit lang ang populasyon ng Singapore nang maging isang independenteng bansa. Kaya nga nagkaroon ng magandang oportunidad para sa mga mamamayan mula sa ibang bansa para maghanap ng trabaho. Pero normal rin ang ganitong reaksyon kapag tila mas nabibigyan na ng oportunidad ang mga taga-labas, ika nga. Kahit saan sa mundo ay may ganitong problema. Kapag tila nasasapawan na sila ng mga banyaga. Pero kaninong kasalanan naman iyon? May mga mamamayan kasi na ayaw magtrabaho sa mga industriya na sa tingin nila ay mababa. Ang gusto ay nasa mataas at magandang posisyon kaagad. Kaya ang mga mababang trabaho ang nakukuha ng mga banyaga. At kapag umasenso na sila at umaakyat na rin sa kumpanya, dito na naiinis ang mga lokal na mamamayan. Uulitin ko, kaninong kasalanan iyan? Eh di sila ang maging mga waiter, sila ang maging domestic helper, sila ang maging mga drayber, trabahador at iba pa. Sa panahon ngayon, wala nang lugar ang kapootang panlahi. Lumang kaugalian na iyan. Kriminal  na kaugalian na dapat iyan!

Show comments