‘Price hike’

ISA ang programang BITAG Live sa larangan ng pamamahayag na nagbabantay sa mga kaganapan sa ekonomiya at sa bansa.

Nitong mga nakaraang araw, laman ng balita sa telebisyon, radyo at mga pahayagan ang sunod-sunod na pagtaas ng mga produktong pang-agrikultura. Hindi pa man natatapos ang kontrobersiyal na isyu sa bigas, sumunod na rin ang bawang, sibuyas, luya pati karneng manok at baboy.

Kabi-kabilang reklamo ang naririnig pa rin hanggang ngayon sa publiko partikular sa mga salat, kinakapos o mahihirap nating kababayan.

 Subalit kahapon, sinabi ni Pangulong Benigno “Noy” Aquino na karamihan sa mga Pinoy, hindi apektado ng price hike o pagtaas ng mga pangunahing bilihin lalo na ang bigas. Ayon sa presidente, base daw ito sa ulat ng kaniyang mga amuyong sa isinagawa nilang nakaraang pagpupulong.

Ang isang lider lalo na kung pangulo ng isang bansa, hindi dapat magbigay ng mga pahayag lalo na kung hindi siya sigurado.

Maliban na lamang kung ang mismong naging basehan ng pangulo sa kaniyang pananaw ay ang inilabas na datus ng mga reputableng survey firm, mas makatotohanan iyon.

Pero kung ang mismong mga tao sa ibaba na ang umaaray at sumisigaw ng tulong dahil hindi na nila kayang lamanan ang mga nangangalam nilang sikmura, mali na sabihing “kakaunti” lang ang apektado ng price hike.  Sa pahayag na ito ng pangulo, parang lumalabas tuloy na ayos lang na magtaasan ang mga presyo ng mga pangunahing bilihin.

Isa tuloy sa mga nagdududa ang BITAG Live kung “magkano ang binayad” ni PNoy para lumabas ang pabor na datus sa administrasyon hinggil sa price hike, kung mayroon man.

Hindi ko layunin na mambatikos sa pamamagitan ng programa ko. Binibigyan ko lang ng puwang ang mga isyu at balitang naglalabasan na taliwas sa saloobin ng taumbayan.

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.

 

 

Show comments