KAHAPON, sa okasyon ng ika-443 anibersaryo ng Araw ng Maynila, pinarangalan ng pamahalaang lungsod ang mga Outstanding Manilans ng taong 2013-2014. Sa marami pang bayan at lungsod na nagdiriwang ng kanilang foundation day sa June 24, may mga listahan din ng nataÂtanging personalidad na gagawaran ng pagkilala, matapos dumaan sa pagsusuri ng kanilang selection committees.
Ang pagkumpuni ng isang lupon upang mamili ng mga pararangalan ay pagsiguro na masusuri at mahihimay nang husto ang kwalipikasyon ng mga nominado. Dahil may committee ay maiiwasan din ang paratang na may politika sa proseso. Tataas tuloy ang antas ng award dahil sa kredibilidad sa mata ng tao.
Mabuti nga ang mga Outstanding Manilans, isang seleksyon lang ang dadaanan. Sa kaso ng National ArtistsÂ, hindi lamang isa. Hindi rin dalawa. Tatlo? Apat? Sorry, hindi rin. Bago maging National Artist, hindi bababa sa walo ang gagawing pagsala ng magkaibang lupon at panel bago umabot sa kamay ng Pangulo ang listahan ng napili.
Ayon sa guidelines ng National Commission on Culture and the Arts at ng Cultural Center of the Philippines, (1) una ay may pre-screening ng mga nominado na gagawin ng Awards Secretariat; (2) next ay hihimayin ng Special Research group ang kuwalipikasyon at kukumpirmahing totoo ang lahat nang pinagmamalaki; (3) balik oversight ng Secretariat; (4) deliberasyon ng Panel of Experts; (5) deliberasyon ng Jury of Experts; (6) presentation sa board ng NCCA; (7) presentation sa board ng CCP; (8) presentation to the Honors committee of the Office of the President.
Hindi basta-basta nasasama sa hanay ng mga ekspertong pumipili sa awardees. Maging ang mga nahirang nang National Artists ay kabilang sa mga ekspertong sumusuri. Sa lahat nang award na iginagawad ng pamahalaan, wala nang mas matindi at mahigpit na pagsalang ginagawa kaysa sa National Artist Award.
Sa kabila nito, pinili ng Pangulo na balewalain ang listahang pinagpawisan ng selection process, kasama pa ang sarili nyang opisina. Imbes na ang criteria na nakasaad sa batas ang sinundan, ang naging pangunahing criteria ni P-Noy ay siya lang ang nakaaalam.
Sa tanang kasaysayan ng National Artist Awards, ngayon lang nadagdag sa pamantayan ang personal na kagustuhan ng Pangulo.