EDITORYAL - Naglipana na naman ang mga ‘batang hamog’

MAAARING nakatutok ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga nasalanta ng Bagyong Yolanda sa Kabisayaan kaya hindi na nabibigyang pansin ang paglipana ng mga “batang hamog”. Kung hindi mabibigyan ng solusyon ang problema sa mga batang ito, maaaring lumaki ang problema at walang ibang sisisihin kundi ang DSWD na rin. Damay dito ang Philippine National Police.

Kung magsasagawa ng pag-iikot o paglilibot sa mga malalaking lansangan sa Metro Manila ang mga opisyal ng DSWD, makikita ang mga “batang hamog” na sumasalakay at nambibiktima sa mga motorista.

Karaniwang target ng mga “batang hamog” ay mga taxi na naiipit sa trapik habang may pasahero. Lalapitan at lilibangin ng isa o dalawang “batang hamog’’ ang taxi driver at saka sasalakay ang iba pang kasamahan sa pamamagitan ng pagbubukas sa pintuan. Mabibilis ang mga “batang hamog” na agad nasisikwat ang bag, pera o cell phone ng pasahero o maski ng driver. Bago pa makakilos ang driver, tangay na ang mga mahahalagang gamit niya at pasahero. Nakatakbo na sa kabilang kalsada ang mga “batang hamog’’. Madalas mambiktima ang mga “batang hamog” sa Guadalupe, Makati City.

Ngayo’y iba naman ang puntirya ng mga batang kawatan, binabaklas naman nila ang baterya ng mga truck na nakatigil habang trapik. Na-videohan ang pagsalakay ng mga “batang hamog” sa Osmeña Highway corner Quirino Avenue.

May mga “batang hamog” din sa malapit sa NAIA Terminal 1 kung saan sumasampa sa mga sasakyang may lulan na balikbayan at sapilitang nanghihingi ng pera. Ayaw nilang bumaba hangga’t hindi nagbibigay.

May mga “batang hamog” din sa Mayon St. corner A. Bonifacio, Quezon City at ganoon din sa Recto at Rizal Avenue sa Maynila.

Panawagan sa DSWD at PNP, pagdadamputin ang mga “batang hamog” bago pa sila maging halimaw sa kalye.

 

Show comments