NANGAKO ang gobyerno na babawiin nila ang lahat ng ninakaw sa PDAF. Pero bago sila magsalita nang tapos, tingnan kaya muna nila ang laman ng mga banko ng mga akusado. Ayon sa imbestigasyon, nailabas na ang malaking bahagi ng mga pera ng mga pangunahing akusado. Milyon na ang nailabas mula sa mga banko. Matagal na nilang naamoy na makakasuhan sina Napoles at kanyang mga kasabwat, kaya minabuti nang ilabas ang pera habang wala pang pormal na kasong isinampa. Nakapaglabas pa nga ng mga pera noong lumipas ang freeze order ng Court of Appeals. Kaya kung may makukuha ang gobyerno, ewan ko. Napakatinik ng mga kawatang ito.
May balita na hindi lang P10-bilyon ang nakuha ni Janet Lim Napoles. May mga balita na nasa P15-bilyon ang nakuha. Sigurado malaking bahagi riyan ay wala sa kanyang pangalan, na siyang estilo ng mga tunay na magnanakaw. Ilalagay sa pangalan ng kaibigan, at may papeles na lang para patunayan na sa kanila talaga lahat iyan. Mga katiwala ang pinipili para “ariin†na muna ang mga lupain, bahay, alahas at pera.
Hindi iba si Napoles. Sa ubod ng kayabangan, ipiÂnaÂkita ng kanyang anak kung gaano sila kayaman. Mamaha-ling damit at sasakyan, pati mga party at selebrasyon na tila pang-artista ng Hollywood. Tapos maririnig natin ngayon na naghahanap ng abogado si Napoles, pero wala siyang pambayad? Iniinsulto na lang talaga ang gobyerno, at taumbayan.
Nailabas na ang mga hold departure order sa mga akusado sa PDAF scam. Susunod na riyan ang pag-aresto sa kanila, at pagdala sa kani-kanilang magiging kulungan na ayon sa PNP ay handa na. Kahapon ay sumuko si Sen. Ramon Revilla sa Sandiganbayan. Kung kailan magsisimula ang pormal na pagdinig sa kaso ay hindi pa alam. At habang nagaganap ang lahat na iyan, naitatago na ang bilyong pisong nakaw na PDAF. Kung manalo man ang gobyerno sa kasong ito at makulong ang mga akusado, sa tingin ko ay barya na lang ang mababawi ng gobyerno. Ilang dekada na ang lumipas mula nang umalis si Marcos at sinimulang bawiin ng gobyerno ang nakaw na yaman. Ngayon lang yata may nakukuha ang gobyerno, at wala pa iyan sa kalingkingan ng nakuha ng mga Marcos na ngayon ay nasa kapangyarihan na naman. Kung nangako ang gobyerno na mababawi nila ang nakaw na yaman, sana nga sa lalong madaling panahon.