EDITORYAL - Bilisan ang paglilitis

SUMUKO si Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. kaha­pon sa Sandiganbayan dakong alas onse ng umaga. Kusa na siyang nagtungo sa Sandiganba-yan at hindi na hinintay ang warrant of arrest. Dinala siya sa Camp Crame Detention Center para ikulong.

Sinampahan ng kasong pandarambong (plunder) si Revilla at apat na iba pa kasama ang kanyang chief of staff na si Richard Cambe. Bukod sa plunder, sinampahan din siya ng 16 counts ng graft at 31 iba pa kasama ang tinaguriang pork barrel queen na si Janet Lim Napoles. Pero itinanggi ni Revilla ang mga akusasyon, wala raw siyang kasalanan. Hindi raw siya magnanakaw. Mananaig daw sa dakong huli ang katotohanan. Muli niyang sinabi kay President Aquino na asikasuhin ang  problema ng bansa at hindi ang pagpapakulong sa mga kalaban sa pulitika. Muli sinabi niyang handa siyang harapin ang kaso.

Bago ang pagsuko ni Revilla, nagkaroon ng vigil ang kanyang supporters sa mansion niya sa Bacoor, Cavite. Wala raw kasalanan ang senador. Hindi raw sila titigil sa pagsuporta kay Revilla.

Nakakulong na si Revilla. At ang inaabangan naman ngayon ay ang pag-aresto kina Senators Juan Ponce Enrile at Jinggoy Estrada. Si Enrile ay kinasuhan din ng pandarambong kasama ang apat na iba pa kabilang ang kanyang chief of staff na si Gigi Reyes. Inakusahan din si Enrile ng 11 counts ng graft. Si Jinggoy ay pandarambong din ang kaso kasama ang tatlong iba pa kabilang ang kanyang chief of staff na si Pauline Labayen. Inaakusahan naman siya ng 11 counts ng graft. Ayon sa report, maaaring sa isang linggo ay magpalabas na rin ng warrant kina Enrile at Jinggoy at iba pang akusado.

Kapag naisilbi na ang warrant sa mga akusado, nararapat namang bilisan ang paglilitis sa kanila. Kung totoo na matibay ang ebidensiya laban sa mga akusado, walang dahilan para hindi maging madali ang pagdinig sa kaso. Maglatag naman ng ebidensiya ang mga akusado at patunayang wala silang kasalanan. Kung wala silang kasalanan, walang dapat ikabahala. Ang mga ebidensiya at testigo ang pagbabatayan. Hindi na kailangan dito ang pag-arte na parang nasa harap ng kamera.

 

Show comments