Reklamo

EWAN ko lang kung matatawa kayo o hindi sa masalimuot na eksena  na nangyayari ngayon sa Manila Police District. Kasi ngayon lamang ako nakabalita na ang isang pangkaraniwang police officer ay magkalakas nang loob na sampahan ng reklamo ang kanyang superior. Hehehe! Katulad na lamang sa nangyaring reklamo ni Police Officer 3 Erickson Fernandez sa General Assignment Section laban sa kanyang boss na si S/Insp. Robert Bunayog, Precint Commander ng Pedro Gil  ng Police Station-5. Nag-ugat ang reklamo ni PO3 Fernandez nang utusan umano siya ng kanyang amo na si Bunayog na linisin ang side walk at arestuhin ang isang babae na nakasuot ng kulay pula t-shirt.

Marahil sa kalituhan dahil napakaraming mga kababaehan na naka-suot ng pulang t-shirt hindi nasunod ni Fernandez ang kautusan ni Bunayog kung kaya humantong ito sa pagtatalo ng dalawa. Ang masakit sa tindi ng pag-iinit ng usapan napunta sa hamunan at nauwi sa hindi magandang usapan. Kasi nga ipinahuhubad umano ni Bunayog ang uniporme ni Fernandez sabay sabing lumayas ka na lang sa iyong serbisyo. Mukhang na-challenge Fernandez kaya minarapat na lamang na magreklamo sa GAS. Kung sabagay mukhang nagkulang din sa pag-unawa si Fernandez dahil ang Perdo Gil ay matagal nang pinamumugaran  ng side walk vendors.

Malaking abala kasi ang mga ito sa pedestrian  ang paghambalang ng mga puwesto ng vendors sa bangketa kaya ang mga tao ay sa kalsada na lamang naglala­kad na nakakabara sa daloy ng trapiko. Ngunit marami na rin akong natatanggap na reklamo ng mga vendors laban sa mga pulis ng Ermita Police Station-5 katulad na lamang sa weekly koleksyon. Gatasan din kasi ng mga korap na police officials ang side walk vendors bukod pa riyan ang linggu-linggong hirit na pang-birthday blow-out. Kaya siguro sa kagustuhan ni Bunayog na maiba ang takbo ng kanyang administrasyon ay ipinag-utos nito kay Fernandez na linisin ang bangketa.

Ngunit paano magagawa ng isang pangkaraniwang pulis kung may mga opisyales ng kapulisan sa PS-5 ang nakapatong dito. Aba MPD director CSupt. Rolando Asuncion pakiburiki nga po ito nang magkalinawan na sina Fernandez at Bunayog dahil kung magpapatuloy ang kalakaran sa iyong mga tauhan tiyak na mauuwi ito sa pagkawala ng respeto sa bawat kapulisan. Minsan ko nang ipinabasa sa iyo ang text message ng isang vendor na inirereklamo ang pambabraso ng isang pulis ng PS-5. Get mo Sir! Bakit kaya sinibak si Chief of staff  SSupt. Gilbert Cruz ng umaga subalit ibinalik din pagsapit ng dilim, Mukhang palaisipan ang urong-sulong na disisyon ng PNP kay Gilbert Cruz, dahil ayon sa aking ma kausap tanging si Cruz lamang ang masigasig na opisyal ng pulis sa MPD na tumatalima sa kautusan ni Manila Mayor Joseph Estrada. Mukhang may halong inggit itong pagsibak at pagbalik kay Cruz dahil ang Divisoria ay malinis at maayos na ang kalakaran sa mga sidewalk vendors. Abangan!

 

Show comments