Puwede pa ring kumandidato sa 2016 elections ang tatlong senador na inihahabla sa P 10-bilyong pork barrel scam hangga’t wala pang pinal na paghahatol sa kanilang kaso ang korte at ito’y sinasang-ayunan ng Malacañang.
Halimbawang kumandidato ang sino man kina Sen. Juan Ponce Enrile, Bong Revilla at Jinggoy Estrada sa pagka-pangulo at mananalo, ang nakikita ko’y kawing-kawing na political vendetta. Hindi malayong mangyari iyan dahil ganyan ang nangyari kay Sen. Antonio Trillanes na bagama’t nakapiit ay kumandidato sa pagka-senador at nanalo.
Sa tingin ko, determinado si Sen. Ramon Revilla Jr. na Ituloy ang pagtakbo sa 2016 presidential race kahit siya makulong. Inspirasyon siguro niya si Sen. Trillanes na bagamat nakulong ng pitong taon sa ilalim ng rehimen ni Presidente Arroyo ay nakuha ang simpatiya ng taumbayan at pinalad magwagi.
Aminado ang spokesperson ni Presidente Noy na si Abigail Valte na hangga’t hindi nahahatulan ng “guilty†ang tatlong senador ay ituturing pa rin silang inosente sa mata na batas. Wika nga “innocent until proven guilty†anang Saliganbatas at may karapatan pang tumakbo para sa ano mang public office.
No conviction, no disqualification from their right to run for any public office. Malinaw iyan.
At ipagpalagay na natin na walang tatakbo sa tatlong senador sa mas mataas na posisyon pero ang mananalo ay oposisyonistang kaalyado nila, iyan din ang malinaw na senaryo: Benggahan.
Ano’ng klaseng paghihiganti? Malamang kung sino yung mga umasunto at nagpapiit sa kanila ay ganoon din ang mangyayari sa kanila. They will be given a dose of their own medicine.
Kaya nga marami ang naghihinala na ang mga asuntong graft na ipinupukol sa pamilya ni Vice President Jojo Binay ay isa ring taktika para pigilang makaporma ang oposisyon. Palibhasa’y laging angat sa survey si Binay at itinuturing na posibleng maging susunod na presidente sa 2016.
Kung ganyan nang ganyan ang mangyayari, saan papunta ang ating bansa? Ganyan na lang ba ang mangyayari: Walang katapusang asuntuhan?