NAPAKAGANDA ng plano ng Caloocan at Malabon na joint venture para resolbahin ang 50-taon nang pag-aagawan sa lupa na hangga ngayon ay nakabinbin sa Korte. Sana, ang pormulang ito ang gamitin ng mga bansa sa Asia na nag-aagawan sa Spratly Group of Islands.
Ang malaking lupain na nasa Barangay Libis Baesa ng Caloocan at Barangay Potrero, ng Malabon ay napakatagal nang pinagtatalunan ng dalawang lungsod.
Inihayag ni Caloocan Mayor Oscar Malapitan ang plano para bumuo ng joint venture company ng mga local na pamahalaan ng dalawang lungsod. Ito ang siyang mamamahala sa pagpapaunlad ng naturang 80-ektar-yang lupain.
Sa darating na linggo ay lalagdaan na nina Mayor Oca at “Malabon City Mayor Antolin Oreta III ang meÂmorandum of understanding para mabuo ang joint venture company. Maganda ang plano na kabibilangan ng pagtatayo ng integrated bus terminal, economic and industrial zones, business at financial centers, mga paaralan at development centers na pakikinabangan ng mga residente.
Sa kaso ng South China Sea na tinatawag nating West Philippine Sea, kay tagal nang may mga panukalang magkaroon ng joint exploration sa mga mineral ng naturang rehiyon ang mga bansang nag-aagawan dito. Di ko alam kung ano ang nakahahadlang.
Wala pa ring positibong nangyayari hangga ngayon at tila naglulubha ang situwasyon dahil sa agresibong posisyon ng China na nagtatayo na ng mga pasilidad sa dakong iyon. Baka naman dahil sa krisis ngayon sa naturang karagatan ay mapilitan nang magkaisa ang mga claimant countries para pigilan ang China sa ginagawa nitong paghahari-harian.
Sabi nga ni Malapitan kaugnay ng plano ng Caloocan at Malabon, samantalahin ang krisis at gawin itong oportunidad. Oo nga naman. Puwede ring sabihin ito sa krisis na ibinubunga ng pananakot ng China. Joint exploration talaga ang kasagutan sa matagal nang tension sa Spratly Group of Islands.