IBANG usapan na ang paggawa ng isla ng China malapit sa Mabini Reef, kung saan tila maglalatag ng paliparan at magtatayo ng base militar. Ito ang paniniwala ni dating National Security Adviser Roilo Golez. Ang Mabini Reef ay nasa loob ng 200-mile Exclusive Economic Zone ng Pilipinas. Nasa 186 na milya lamang ang layo sa Palawan. Kahit pinagtatalunan pa ng ilang bansa ang isla, ginagawan na ng China ng isla. Kapag natapos ang hinihinalang paliparan at base, halos lahat nang sulok na ng Timog-Silangang Asya ay maaabot na ng mga eroplano pandigma ng China. Makokontrol na rin nila ang bahagi ng karagatang iyan.
Mahalaga ang may paliparan sa anumang sulok ng bansa. Noong World War 2, sinikap ng Amerika makuha ang mga islang malapit sa Japan, para dito manggaling ang mga eroplanong pandigma. Hindi na kailangan manggaling pa sa malayong lugar, o sa aircraft carrier. Base sa mapang ipinakita ni Golez, 2,000 kilometrong paikot ang maaabot ng mga eroplano ng China. Halos buong ASEAN na iyan!
Hindi ko sinasabing ito ang pakay at hangarin ng China, pero bakit sila maglalagay ng base militar sa kalagitnaan ng dagat kundi manindak sa lahat ng bansa sa rehiyon? Ang problema ngayon ay paano mapahihinto ang China sa kanilang ginagawang construction sa Mabi-ni Reef. Ayon sa UNCLOS, hindi puwede ang sinumang bansa na gumawa o magtayo ng anumang istruktura sa mga islang pinagtatalunan pa.
Ayon sa mga eksperto, naging agresibo ang China sa pag-angkin ng mga isla sa karagatan nung umalis ang mga Amerikano sa Vietnam at sa Pilipinas. Nakita nila ang pagkakataon, kaya pinagsamantalahan ang sitwasyon. Idinaan sa banta at panindak para matayuan ng mga gusali ang ilang lugar at wala namang pumipigil sa kanila. Ang UN at US naman ay puro salita lamang.
Kung may kikilos para patigilin ang mga iligal na pagtatayo ng China sa mga pinagtatalunang lugar, wala pang may alam. Naririnig natin ang mga batikos, pintas at babala pero wala pang aksyon. Kaya pinagtatawanan na lang siguro ng China ang lahat nang ‘yan.