Independence Day

BUKAS, Hunyo 12, ang araw na itinakda ng batas upang alalahanin ang ating independence bilang bansa. Ang konteksto ng batas ay independence sa Amerika na sumakop o umangkin sa atin matapos talunin ang mga Kastila. Subalit may kanya-kanyang kahulugan ang independence depende sa tao. Sa marami, kailanman ay hindi tayo natanggalan ng kalayaan bilang bansa  – pansamantala lamang itong nasupil dala ng pagkasakop sa atin ng mga dayuhan. 

Sa sektor ng mga anti-smoking groups, palapit na rin ang kanilang independence day dahil naipasa na rin sa Senado ang batas sa graphic warnings na kailangang ilagay sa mga pakete ng sigarilyo. Matapos dumaan sa bicameral conference committee ang mga bersiyon ng dalawang kamara, wala ka nang mabibiling pakete ng sigarilyo na walang picture ng bulok na baga, namamagang dila, sira sirang ngipin at iba pang sakit na sanhi ng pagka-addict sa nikotina at iba pang kemikal ng mga sigarilyo.

Ang tagumpay ng grupong kontra sa paninigarilyo ay nais ding magaya ng mga grupong tutol naman sa pag-inom ng softdrinks at iba pang artipisyal na inumin na ubod ng tamis. Sa ibang bansa, layon nilang malagyan din ng warning labels ang mga inuming ito upang imulat sa mata ng consumers ang peligro na malamang mauwi ka sa obesity, mga sakit tulad ng diabetes at tooth decay. Dito sa atin ay mas matindi pa ang mga hakbang na pinapanukala – gaya na lang ng house bill nina Congresswoman Leni Robredo na ipagbawal mismo ang pagbenta at pagkonsumo ng softdrinks, iced tea, caffeinated drinks at mga may artificial sweeteners sa mga iskuwelahan.

Ang mga hakbang na ito ay maituturing din na mistulang independence mula sa ating pagka-adik sa mga produktong masama sa ating kalusugan. Napapanahon ang ganitong pakikialam ng pamahalaan upang matulungan tayong mabawasan ang masamang epektong dulot ng sarili nating kahinaan at mabigyan tayo ng laya at bagong pagkakataon sa mas malusog at masayang pamumuhay.

Show comments