NASA kalagitnaan pa lamang ng 2014 subalit sunud-sunod na ang pagpatay sa mga pulitiko. Pahiwatig ito na maraming buhay pa ang malalagas bago sumapit ang May 2016 election. Nito kasing mga nagdaang buwan, sunod-sunod ang pagpatay sa mga barangay chairman sa Caloocan City na hanggang sa ngayon blanko ang PNP sa pagkilala sa mga salarin. Patunay lamang ito na inutil ang PNP sa pagbibigay ng proteksyon sa samba-yanan. Di ba mga suki! Puro imbestigasyon na lamang ang kanilang inaatupag dahil palaging walang pulis na nagpapatrulya sa kalye, hehehe! Maging sa mga lalawigan ay may patayan, tulad nang sinapit ni Urbiztondo mayor Ernesto Balolong na pinagbabaril ng mga armadong kalalakihan na sakay ng Toyota Innova na may conduction sticker YB-6600 sa Bgy. Poblacion.
Maging ang police escort nito na si PO1 Eliseo Ulanday at employee na si Edmund Meneses ay hindi nailigtas ng mga doctor sa Urbiztondo Regional Hospital. Samantalang si Rex Ferrer ay kasalukuyang nasa malubhang kalagayan. Bagamat nakuha ng witnesses ang conduction sticker nang sinakyan ng mga salarin mahihirapan pa rin ang kapulisan na matukoy ang mga suspek dahil nakalabas ito ng Urbiztondo. Nakita ang Innova sa Bgy. Caoayan Kiling, San Carlos City kaya nangangailangan pa ito ng coordination sa mga pulis doon upang mapagtagpi-tagpi ang imbestigasyon. Patunay ito na kulang ang presensya ng kapulisan sa Urbiztondo nang maganap ang ambush kay Balolong. Sa Batangas hindi rin nakaligtas ang dating mayor ng Mataas na Kahoy na si Arnulfo Rivera nang tambangan ng riding-in-tandem.
Patunay lamang ito na papainit na ang pulitika sa bansa. Ewan ko lang kung kailan ito mabibigyan ng sulusyon ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima. Kasi nga maging sa Metro Manila ay walang magawa ang mga pulis ni NCRPO chief director Marcelo Valmoria sa araw-araw na pananalakay ng riding-in-tandem. Tukuyin ko na ang Quezon City na araw-araw ay may binabaril. Kamakalawa, binaril si Insp. Rodelio Diongco ng Intelligence Unit ng QCPD ng apat na lalaki sa IBP Road na abot tanaw lamang sa Batasan Police Station-6. Nakalusot ang mga salarin dahil walang pulis sa kalye. Kaya ang katanungan ng sambayanan kay Purisima ay kung ligtas pa ba ang sambayanan sa mga kriminal? Kailangan nang mag-isip si President Noynoy Aquino sa liderato ni Purisima dahil sa tantiya ng aking mga kausap, malamya ang kampanya ng PNP sa mga kriminal. Abangan!