NANAWAGAN si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada sa mga kapwa mambabatas na suportahan ang Senate Bill 136 (Apprenticeship Training Act) na inaasahang makatutulong nang malaki sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mamamayan laluna sa kabataan.
Pinansin niya ang datos na nagsasabing ang pinakamalaking porsiyento ng mga kababayang walang trabaho ay mga kabataan na 15 hanggang 24 anyos, at kasunod naman ang mga 25-34 taong gulang.
Ang SB 136 ay kabilang sa idineklara ng Department of Labor and Employment (DoLE) na 12 priority measures ng ahensiya. Ito ay tinalakay na ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development kamakailan.
Ayon kay Jinggoy, “Apprenticeship programs have the unique capability of immersing our younger workers in real life employment atmosphere, enabling them to learn technical skills, practical knowledge and experience needed to make them employable and competitive, while providing them the opportunity to earn a living.â€
Layon ng panukala na mapataas ang kasanayan, kaalaman at karanasan ng mga manggagawa, partikular sa larangang teknikal, at palawigin pa ang kasalukuyang apprenticeship program upang mas marami ang makinabang dito.
Ang mga sasailalim din sa apprenticeship program ay hindi na dadaan pa sa probationary employment at maaaring makapag-trabaho sa kumpanya kung saan sila naging apprentice. Bukod dito, ang mga nakatapos ng kanilang apprenticeship ay maaaring mabigyan ng equivalent unit credits sa formal education na magagamit nila sa pagpapatuloy ng pag-aaral sa kolehiyo.
Itinatakda rin nito ang pagkumbinse sa mas marami pang kumpanya na makibahagi sa programa. Base kasi sa ulat ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), umaabot lang sa 664 na kumpanya sa bansa ang nag-aalok ng apprenticeship. Ang mga kumpanyang ito umano ay nasa industriya ng tourism, health and social development services, automotive and land transport, construction, electronics at garments.
Sinabi ni Jinggoy na mas maraming kumpanya ang mahihikayat na makibahagi sa programa kung mabibigyan ang mga ito ng kaukulang dagdag na mga insentibo tulad ng tax deduction at iba pang non-cash incentives.