Tanong ng kalalakihan

Matagal na akong umiinom ng metoprolol (gamot sa puso). Nitong mga ilang buwan, napansin ko na ma­hina na ako  sa sex at ayaw nang “gumana” ang aking “organ.” Dahil ba ito sa gamot na iniinom ko Dok?

Mainam ang metoprolol para sa sakit sa puso ngunit isa sa side effect nito ay problema sa erection sa ilang pas-yente. Base sa kuwento mo ay matagal ka nang umiinom ng metoprolol, pero, ngayon ka lang nagkaproblema sa sex. Hindi dapat sisihin ang iyong gamot. Ang payo ko ay magpakonsulta ka sa iyong duktor bago mo ihinto ang gamot na ito.

Ang “erectile dysfunction” o ang pagiging “impotent” ay maraming dahilan tulad ng diabetes, pag-edad, pag-inom ng alak, at paninigarilyo. Ipasuri ang iyong blood sugar. Ihinto ang sobrang alak. At tigilan na ang masasamang bisyo. Malay mo, baka manumbalik ang galing mo sa sex. Good luck!

Bakit marami sa kaibigan kong lalaki ay inatake sa puso?

Sa mga kalalakihan, may malungkot akong balita. Mas masasakitin sa puso ang mga lalaki kumpara sa mga babae. Base sa pagsusuri, mas maikli ng limang taon ang buhay nila kaya mas nauunang mamatay.

Dalawa ang dahilan nito: (1) lahi at (2) pamumuhay. Una, kung may sakit sa puso ang magulang, mas mataas ang peligro na mamana mo ito. Ikalawa, ang mga lalaki ang inaasahang magtrabaho, magsipag at maharap sa matin-ding stress. Kailangan kasi nilang  kumayod para mabuhay ang pamilya. Gusto rin nilang ipakita na “macho” sila at kinikimkim ang sama ng loob imbis na ilabas ang saloobin.

Problema rin ang pag-inom ng alak at paggamit ng droga. At saka, mas duwag pa ang mga lalaki na magpa-check up kaya malubha na ang sakit bago kumunsulta sa doktor. Kaya mga anak, pakiusapan natin si tatay na magpatingin sa doktor. Ang kalusugan ang pinakamagandang regalo natin sa kanila.

 

Show comments