PALAGAY ko magkaiba ang kaso nina Sarangani Rep at People’s Champ Manny Pacquiao at Janet Lim Napoles kung ang usapin sa buwis ang paguusapan.
Bawat sentimong nasa kamay ni Pacquiao ay pinaghirapan niya at kinita sa legal na paraan. Si Napoles ay pinaghihinalaang mastermind sa P10 bilyong pork barrel scam.
Kung sisingilin siya ng buwis ng Bureau of Internal Revenue (BIR) at magbayad siya, baka magkaroon ng recognition of legitimacy ang lahat ng perang kinurakot niya.
Kapag nagdeklara tayo ng income tax return, sinasabi natin ang pinagmulan ng ating kinita. Natural mag-iimbento ng katanggap-tanggap na rason si Napoles at hindi sasabihing kinurakot ito mula sa kaban ng bayan.
Kapag tinanggap ito ng BIR na lehitimong ahensya ng pamahalaan pati na ang buwis na dapat bayaran, aba eh di parang kinilala ng gobyerno na hindi nakaw ang kanyang yaman.
Kaya kung mayroon mang ahensya ng pamahalaan na dapat maghabol sa lahat ng umano’y ninakaw ni Napoles, hindi ito ang BIR kundi ang hukuman na siyang may hawak sa kaso. At sa paghahabol na ito, hindi lang buwis ang sisingilin kay Napoles kundi ang lahat ng natatago niyang yaman na mula sa kaban ng bayan.
Nasabi ko ito dahil panukala ni Cavite Rep. Elpidio BarÂzaga na dapat habulin ng BIR si Napoles at huwag pag-initan si Pacquiao na ang kinita ay pinalitan niya ng malaking karangalan para sa bayan. Sang-ayon ako na dapat bigyan ng kaunting konsiderasyon si Pacman pero hindi siya dapat ikumpara kay Napoles.
Ani Barzaga, nakakapagtaka na nananahimik ang BIR sa kaso ni Napoles samantalang si Sarangani Rep. Manny Pacquiao na nakapagbigay ng karangalan sa bansa ay kinasuhan nito ng tax evasion.
Ang wish ko lang ay maging matagumpay sa panig ng gobyerno ang kasong plunder laban kay Napoles at sa ibang kakutsaba niya lalu na yung mga “bantay-salakay†sa pamahalaan. Hindi lamang para mabawi nang buong-buo ang salapi ni Juan dela Cruz kundi maparusahan ang lahat ng dapat managot.