TIYAK pinag-aaralan ng world leaders ang mga kilos ni President Noynoy Aquino kontra sa panlulupig ng China. At tiyak napansin nila ang malamyang salita niya kamakailan. Nang mapabalitang pinapatag ng China ang Johnson South Reef, para gawing airfield sa loob ng Philippine exclusive economic zone, aniya nagprotesta na siya sa Beijing. Pero mabilis niyang dinagdag na marami namang pinagkakasunduan ang dalawang bansa sa larangan ng ekonomiya.
Ekonomiya ang dahilan sa pananakop at pagbabanta ng China sa paligid na karagatan. Inaangkin niya ang mga bahura sa loob ng EEZs ng Japan, Vietnam, Malaysia, Brunei, Indonesia, Taiwan, at Pilipinas para sa lamang dagat: pagkain at langis.
Maunlad na ekonomiya ang pinangtutustos ng China sa matuling militarisasyon. Daang-bilyong dolyar taon-taon ang nilalaan ng Beijing para sa fighters, warships, at surveillance systems.
At kalakalan ang pinambabambo ng China sa mga bansang mahina, lalo na kung lumalaban sa kanyang pambu-bully. Nu’ng 2012, ginamit ng Beijing ang trade investments para wasakin ng host Cambodia ang pagkakaisa ng ASEAN summit laban sa panlulupig. Pinag-initan din ng China ang banana exports patungong Beijing, Shanghai, at Hong Kong nang mag-ingay ang Maynila kontra sa pananakop sa Panatag Shoal.
Mananatiling mapang-api ang China kapag nakikita nito na maari siyang mam-bully ng maliliit na bansa sa ngalan ng ekonomiya. Kaya mali ang patakaran ni P-Noy. Dapat, hikayatin niya ang mundo, sa tulong ng overseas Filipinos, na magkaisa laban sa paggamit ng China ng ekonomiya para mang-abuso ng maliliit na bansa.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com