MASKI sinibak na si MRT-3 general manager Al Vitangcol, nananatili ang krisis na sinimulan niya. Ano mang araw maari magbungguan, magliyab, o tumalsik mula sa riles at bumagsak sa EDSA ang mga tren. Libo-libong buhay ang makikitil at katawang malalasog. Ito’y dahil hindi na totoong minementena ang mga tren, riles, power supply, at signal system. Pinakikinang lang ang mga istasyon, para pagtakpan sa 560,000 pasahero araw-araw ang peligro.
Nagsimulang mabulok ang MRT-3 noong Oktubre 2012, nang upahan ni Vitangcol ang di-kwalipikadong PH Trams para sa maintenance. Dalawang buwang gulang lang ang kumpanya nang pagkalooban niya ito ng P517.5 milyon, 828 ulit ang laki kaysa puhunang P625,000. Walang bidding para sa kontrata, sikretong negosasyon lang. At, labag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, tiyuhin ni Vitangcol ang isa sa anim na may-ari. At nang matapos ang kontrata nu’ng Agosto 2013, kasama pa rin si PH Trams chairman Marlo dela Cruz sa humaliling APT-Global, halagang P712.77 milyon. Tila walang balak i-mentena ang railway -- pagnakawan lang.
‘Yon nga ang nangyari. Labag sa kontrata, hindi iniinspeksiyon ang mga tren at riles, o pinapalitan ang mga nalulumang piyesa. Pinapahiran lang ng sealant imbis na palitan ang mga basag na windshields. Hindi hinahasa ang mga bakal na riles at gulong para tumatag imbis na matagtag. Ni walang spare parts inventory, dahil nabuwisit ang Inekon, na gumawa ng mga tren, sa pangingikil ng PH Trams ng $30 milyon nu’ng Hulyo 2012.
Pinaka-malala sa lahat, giba na ang signal system na ikinabit ng Bombardier. Maaring magbungguan ang mga tren.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com