Muarip

KAHAPON bago maghatinggabi, nagulantang ang mga kumakain sa isang food chain sa Pablo Ocampo Street, (dating Vito Cruz) korner A. Mabini St, Malate, Manila. Paano kasi nabilaukan sila sa paglunok ng kanilang pagkain nang sunod-sunod na marinig ang putok ilang metro lamang ang layo sa kanilang kinauupuan.  At nang tumahimik ang paligid bumungad sa kanila ang isang green Range Rover na may conduction sticker na ZI-1055 na nasa gitna ng kalye, butas-butas ang salamin ng bintana at may tao sa loob na duguan. Ang matindi, mabagal ang pagresponde ng pulis sa pangyayari. Nakilala lamang ito ng dumating ang mga kamag-anakan na nag-iiyakan sa pangyayari. Kinilala ang biktima na si Jayson Chua, 43, businessman, residente umano ng Emperor Tower Condominium, Roxas Blvd, Malate, Manila.

At katulad sa inaasahan blanko na naman ang Manila Police District-Malate Police Station 9 dahil walang pulis na nagpapatrulya ng maganap ang pananambang ng riding-in-tandem na ayon sa aking mga nakausap, nag­lakad lamang  sa direksyon ng Taft Avenue matapos pakawalan ang 11 bala ng cal. 45 bago sumakay ng kanilang motorcycle. Nasaan kaya ang mga tauhan ni Supt. Mannan Muarip nang maganap ang ambush ga-yong lugar ay itinuturing na “hot spot” sa mga kriminal. Ang masakit pa nito, nasa tungki lamang ito ng Century Park Hotel kung saan ang mga guest ay mga Japanese at Chinese. Hehehe! Nabahiran ng dugo na naman ang magandang programa ni MPD director CSupt. Rolando Asuncion sa kaharian ni Mayor Joseph Estrada. Nataon pa naman na ng oras na iyon ay all out ang mga operatiba ng District Anti-Illegal Drugs Unit ng MPD sa Parola, Baseco at Sampaloc laban sa mga pinaghihinalaang tulak ng droga kaya siguro maging ang mga tauhan ni Muarip ay wala sa kalye.

Kung sabagay nakaiskor naman ang mga tauhan ni CInsp. Don Austria ng may 40 kalalakihan kabilang ang isang lumpo na nagtutulak ng droga sa halagang P500.00 bawat tipak. Ngunit hindi ito batayan na maubos ang mga kapulisan ni Asuncion sa kalye dahil sinasamantala ito ng mga kriminal. Ewan ko lang kung ano ang magiging panagutan ni Muarip sa pagkamatay ni Chua gayong mahigpit ang tagubilin ni PNP chief Dir. Gen. Alan Purisima sa “one strike policy” laban sa pananambang ng mga riding-in-tandem at illegal gambling. Kasi nga kung manatili si Muarip sa kanyang puwesto kakambyo na naman ang mga Manilenyos na may kinikilingan si Asuncion sa kanyang mga tauhan. Kung mayroong nagpapatrulyang mga tauhan si Muarip tiyak na nahadlangan ang pananambang. Abangan!

Show comments