‘Power Subsidy’

ISA sa mga dahilan kung bakit alangan ang mga dayuhang imbestor na mamuhunan sa bansa, ang kawalang-kasiguraduhan sa sektor ng enerhiya.

Matagal na itong problema sa bansa. Ilang administrasyon na ang dumaan pero hanggang ngayon, wala pa rin itong solusyon.

Sa termino ni Pangulong Benigno Aquino, walang malinaw at nakikitang aksyon ang taumbayan na matutuldukan na ang problemang ito.

Sa ginanap na World Economic Forum noong nakaraang linggo, nagsalita ang mga imbestor sa elektrisidad at ilang mga nasa industriya ng business processing outsourcing (BPO).

Sinabi ng negosyanteng si Manny Pangilinan na kaya mataas ang electricity cost sa bansa ay dahil walang subsidiya ang gobyerno sa nasabing sektor. Kaya ang nangyayari, naipapasa sa mga konsumer ang mataas na bayarin.

Hindi tulad sa mga bansang Indonesia, Thailand at Malaysia, may inilaan talagang pondo para dito ang pamahalaan kaya mababa ang presyuhan ng elektrisidad nila sa merkado.

Sang-ayon dito ang Convergys Philippines na isa sa mga malalaking imbestor sa bansa. Pabor sila na dapat may subsidiya ang gobyerno sa elektrisidad.

Ang problema, hindi pa man pormal na nailalatag ng mga pribadong sektor ang isinusulong na power subsidy, sinopla na agad ito ni Budget Secretary Butch Abad. Hindi daw opsyon ng gobyerno ang pagbibigay-subsidiya sa sektor ng enerhiya.

Ayon kay Abad, kung pag-uusapan rin lang daw ang subsidy, mas maganda kung diretso na agad ito sa mga mahihirap tulad ng conditional cash transfer o CCT na ngayon ay nababalot din ng kontrobersiya.

Maraming mga dayuhang imbestor ang gustong ma­muhunan sa bansa. Marami ang naaakit sa iginawad na investment grade status sa Pilipinas simula nitong nakaraang taon.

 Subalit dahil susugal sila ng malaki, walang kasiguraduhan sa suplay ng kuryente at hindi alam kung kailan magba-brown out, lumilipat nalang sila sa ibang mga bansa sa Asya.

 Isa lang ang power subsidy sa mga problema na hindi pa rin nabibigyan ng solusyon at atensyon ng pamahalaan. Ito rin ang pangunahing dahilan kung bakit napakahirap mangumbinsi ng mga dayuhang negosyanteng mamumuhunan sa Pilipinas.  

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.  

 

Show comments