BINAGYO, binaha at ngayon naman ay nasunog. Ano pa ang susunod na trahedya sa Yolanda victims? Ano pang masaklap na mangyayari sa kanila? Sana matapos na ang kanilang pagdurusa at makatikim naman ng ginhawa. Sobra-sobra na ang pagtitiis ng mga biktima ni Yolanda.
Lubhang kaawaawa ang sinapit ng mag-iina habang nakatira sa tent sa San Jose District, Tacloban City noong Miyerkules ng madaling araw. Nasunog sila nang buhay habang natutulog. Hindi na nailigtas ang mag-iina sapagkat grabeng nasunog ang tent. Bukod sa 39-anyos na ina, kasamang nasunog ang lima niyang anak na may edad 12, 9, 5, 3 at dalawang buwang sanggol. Ayon sa mga nakasaksi sa sunog, iglap ang paglaki ng apoy na nagmula sa loob ng tent dakong 12:20 ng hatinggabi. Umabot lamang ng ilang minuto ang sunog at naapula agad.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng sa ilawang de-gaas (kerosene) nagmula ang sunog. Maaaring nasipa ang ilawan ng isa sa mga occupants at mabilis na kumalat ang apoy.
Wala pang kuryente sa lugar kaya maraming nakatira sa mga tent ang gumagamit lamang ng ilawang de-gaas at kandila. Ang tanging may kuryente sa lugar ay ang mga kalsada. Walang kasiguruhan kung kailan magkakaroon ng kuryente mga nakatira sa tent.
Mahigit anim na buwan na ang nakalilipas mula nang manalasa ang Yolanda sa Visayas Region pero hanggang ngayon ay wala pa ring pagbabago sa buhay ng mga tao roon. Patuloy silang umaasa sa tulong ng gobyerno. Bagamat dumagsa ang maraming tulong, marami pa rin ang hindi nakakatikim at hindi maambunan ng tulong na pagkain at mga gamot.
Sabi ni rehabilitation czar Panfilo Lacson, mabagal ang pagbangon ng mga biktima ng Yolanda sapagkat may mga Cabinet official na hindi nakikiisa sa kanya. Humihingi siya ng tulong pero dedma lang umano. Sabi pa ni Lacson, baka bago bumaba si President Aquino sa 2016 ay magiging ganap na ang rehabilitasyon sa mga napinsalang lugar.
Sana pabilisin pa ang pagtulong sa mga kapuspalad na biktima at madaliin din ang pagsasaayos sa lugar. Masyadong matagal ang 2016 na sinasabing target date na matatapos ang rehabilitasyon. Kaawaan ang mga tunay na kawawa.