DARATING ba bago katapusan nitong buwan ang 200,000 tonelada ng bigas mula Vietnam? O meron kung sino na sadya itong inaantala? Kung humingi si bagong Presidential Assistant Francis Pangilinan ng sagot, makakalkal niya ang isang anomalya sa National Food Authority. Alam ni Administrator Orlan Calayag ang garapal na detalyes.
Humigit-kumulang 15 araw para tipunin ang 200,000 tonelada sa Vietnam, ikarga sa barko, itawid sa dagat, idiskarga sa pier. at i-truck sa mga bodega ng NFA. Sa kontrata ng NFA sa state-run Vietnam National Food Corp. (Vinafood), dapat mai-deliver ito sa 14 na bodega sa bansa bago mag-katapusan ng Mayo.
Pero nu’ng Mayo 8 na, hindi pa nagkokontratahan ang Vinafood at ang pinili ng NFA na cargo handler. Ang Manila firm na ito ang taga-baba ng sako-sakong bigas mula sa mga barko at taga-deliver sa mga bodega. Pinasisingil ito ng NFA sa Vinafood ng “tong-pats†na $30 kada tonelada. Nilahad ko ito sa kolum kahapon (Sapol, 26 Mayo 2014).
Malala ang implikasyon kung hindi ma-deliver o labis na maantala ang pagdating ng 200,000 tonelada. Una pa lang na delivery ito ng kabuoang 800,000 tonelada na binibili ng NFA sa Vinafood hanggang Agosto. Mapepeligro ang rice buffer ng Pilipinas laban sa drought at bagyo. Sisipa ang presyo ng bigas sa palengke. Mumultahan at iba-blacklist naman ng NFA ang Vinafood. Malalamatan ang relasyon ng dalawang gobyerno, na nitong linggo lang ay nagkasundong magtulungan laban sa pang-aagaw ng China ng teritoryo.
Mayo 8 nang lumiham ang Vinafood sa NFA. Sabi nito, ayaw makipag-kontratahan ng cargo handler. Mayo 15 pa raw ito makikipag-usap. Ang pag-uusap na ito ay para taasan lalo ang singil kada tonelada.
Walang kasalanan ang Vinafood. Binaboy ng NFA ang kontrata sa 800,000 tonelada. Kumi-kickback mula sa cargo handling nang P1.08 bilyon ($30 x 800,000 x P45:$1) ang mga kawatan sa NFA.