UNGKATIN sana ni bagong Presidential Assistant on Food Security Francis Pangilinan ang bagong raket sa National Food Authority. Bilyong piso ang kini-kickback mula sa overpriced kontrata ng cargo handling.
Bagong modus operandi ito. Bistado na kasi ang dating “tong-pats†sa presyo ng bigas mula Vietnam. Nag-check ang mga graft-busters sa websites ng grains trading. Nakitang mas mahal nang P3.4 bilyon ang 705,200 toneladang in-import ng NFA nu’ng 2013. Hinabla na ng plunder sina Agriculture Sec. Proceso Alcala at NFA chief Orlan Calayag.
Mabuti pa ang linta: kapag busog na, kusang bumibitaw. Iba ang mga taga-NFA. Hindi nakuntento sa bilyon-bilyong kinikbak sa loob ng isang taon. Ngayon naman, inobliga ang state-owned Vietnam National Food Corp. (Vinafood) na upahan ang pinili nilang cargo handler. Ang Manila company na ito ang magbababa ng 800,000 toneladang bigas mula sa mga barko, at magta-truck patungong 14 na NFA warehouses sa bansa nitong Mayo-Agosto. May “tong-pats†na $30 kada tonelda sa kontrata ng Manila company ang mga kawatan sa NFA.
Muling nabisto ng graft-busters ang raket sa tulong ng Internet. Nirepaso sa websites ang presyo ng bigas ng Vinafood noong nanalo sa NFA supply bidding, Abril 2014. Ito’y $385 per ton, freight on board -- kasama na insurance at pagbarko hanggang 14 pier sa Pilipinas. Sinilip din sa websites ang cargo handling noon: $24 per ton. Sumahin ang dalawang numero: $409 per ton lang dapat ang NFA-Vinafood contract. Pero ang nakatakdang presyo ay $439. Malinaw, may “tong-pats†na $30.
Kwentahin: $30 kada tonelda x 800,000 tonelada x P45:$1 exchange rate = P1.08 bilyon, tumataginting na kabuuang “tong-pats.†Secretary Pangilinan, tugisin mo sana ang mga mandarambong.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com