Liwanag ng Espiritu Santo

ANG pagpapatong ng kamay nina Pedro at Juan sa mga Samaritano ay wagas na paraan upang matanggap nila ang Espiritu Santo. Ito rin ang panawagan ni Pedro sa kanyang unang sulat upang gawin natin ang ating puso bilang dambana na Espiritu Santo.

Ang salitang “mano po” ay simbolo ng ating lubusang paggalang at pagmamahal sa mga matatanda. Sila ang ating taga-samo at taga-hingi sa Espiritu Santo upang tayo ay gabayan at liwanagan.  Ipinangako ni Hesus na ipadadala Niya ang Espiritu Santo. Ito ang tunay na pag-ibig ni Hesus na ang tanging sukli natin ay ang pagtupad sa Kanyang mga utos. Natutupad natin ito sa tulong at awa ng Espiritu Santo.

Ipinadala ng Ama sa langit ang Kanyang Anak dala ng pag-ibig sa atin sa tulong ng Espiritu Santo na taga-pangalaga sa atin ni Hesus. Kadalasan, hindi matanggap ng sanlibutan sapagkat hindi Siya nakikilala. Dapat nating makilala ang Espiritu sapagkat Siya ang nananahan sa ating buhay. Siya ang pangako ni Hesus na hindi tayo iiwang nangungulila. Hindi natin Siya nakikita subalit palagi Siyang nasa ating piling.

Marami sa ating mga Kristiyano (lalo na ang mga Katoliko Romano) ang namimintakasi sa iba’t ibang pa-ngalan ng mga Santo at Santa sa langit. Kapag Martes ay kay San Antonio de Padua (Bustillos) upang humingi ng tulong sa mga nawawalang bagay; Miyerkules ay sa Ina ng Laging Saklolo (Baclaran); Huwebes ay kay St Jude (sa may Malacañang) para sa tagumpay ng mga plano sa buhay; at Biyernes, kay Hesus Nazareno (Quiapo) at sa Mahal na Puso ni Hesus (lahat nang simbahan). Kung Sabado ay sa Mahal na Birhen Maria at kung Linggo, ang ating pangingilin, pagsamba at pagtupad sa utos ng Diyos.

Sa ating mga pintakasi, marami pa ang hindi nakaaalam na ang Lunes ay para sa Espiritu Santo. Ito ang araw ng paghingi ng liwanag sa ating isipan at plano sa buhay.

Pinaka-malaking pangangailangan nating mga Pilipino ang gabay ng Espiritu Santo upang maliwanagan ang lahat lalo na ang mga namumuno sa pamahalaan upang maiwasan ang pangungulimbat sa kaban ng bayan.

(Gawa 8:5-8, 14-17; Salmo 65; 1Pedro 3:15-18 at Juan 14:15-21)

Show comments