PAREHO ng kalagayan ang Pilipinas at Vietnam. Kapwa sila inaagawan ng teritoryo ng China. Kaso may pagkakaiba ang dalawang bansa. Ang Vietnam ay palaban at ang Pilipinas ay tila susukut-sukot pa rin sa pananakot ng China.
Nakita natin kung paano nag-aklas ang mga Biyetnames sa harap ng embahada ng China sa kanilang bansa. Nagsipulasan ang mga Intsik sa naturang bansa dahil sa ngitngit ng mga mamamayan doon.
Mismong ang Punong Ministro ng Vietnam ang nagsabing kinukonsidera ng kanyang pamahalaan ang isang “defense action†laban sa China kung kinakailangan.
Eh tayo nga, sa pahiwatig lang ng gobyerno na dudulog sa international forum ay dinuduro na agad ng China na huwag nating gawin ito.
Nagtataka lang ako dito sa atin. Sa tuwing magkakaroon ng military exercise ang Pilipinas at Amerika sa ilalim ng programang Balikatan, agad umaalma ang mga makakaliwang komunista.
Pero sa harap ng panduduro at lantarang pananakot ng tropang Intsik sa mga Pilipino sa sarili nating teritoryo, tahimik lang ang mga tinatawag na “leftists.â€
Sabagay ay madaling intindihin iyan. Ang mga komunista sa Pilipinas ay “Maoist†ang oryentasyon. Ang pinapanginoon nila ay ang yumaong Chairman ng People’s Republic of China na si Mao Zedong.
Ngunit sana’y isaisantabi ang ideyolohiya sa ganitong pagkakataon at magkaisa alang-alang sa pagibig natin sa sariling bansa.
Naniniwala ako sa posisyon ng gobyerno na dapat daanin sa hinahon ang situwasyong ito pero hindi dapat mapakamalan ito ng mga Intsik na paguyukod sa kanila o pagkatakot porke’t sila’y malakas na bansa.
Hindi ako pabor sa payo ng gobyerno sa mga mangingisdang Pilipino na iwasan na lang mangisda sa mga karagatan na doo’y hina-harass ng mga tropang Intsik at maghanap na lang ng ibang lugar na mapapangisdaan. Kung ang mga kababayan natin ay dinuduro sa sarili nating terotoryo, tungkulin ng pamahalaan na bigyan sila ng proteksyon.