NASA bansa si Vietnamese Prime Minister Nguyen Tan Dung para dumalo sa World Economic Forum. At hindi na nakapagtataka kung ang pakay ng China ang pinag-usapan nina President Noynoy Aquino at Nguyen Tan Dung. Ang Vietnam at Pilipinas ay mga kasalukuyang sakit ng ulo dulot ng mga iligal na kilos ng China hinggil sa pag-aangkin ng teritoryo sa karagatan. Isang oil rig na magsisimulang maghanap ng langis sa karagatan ang itinayo na ng China sa lugar na inaangkin ng Vietnam. Nagpadala rin ng mga barko para bantayan ito. RumesÂponde ang Vietnam sa pamamagitan ng pagdala rin ng mga barko, kaya mistulang patintero at piyesta ng San Juan sa karagatan ang nagaganap ngayon sa pagitan ng dalawang bansa.
Sa panig naman natin, patuloy ang paggawa ng isla ang China sa Mabini Reef, na tila magtatayo na ng paliparan sa isla. Ang pinagkaiba naman natin sa Vietnam, hindi naging marahas ang ating mga protesta sa mga kilos ng China, kumpara sa Vietnam. Pero may masamang dugo talaga sa pagitan ng Vietnam at China, dahil nagkasagupaan na noon dahil rin sa parehong dahilan.
Pinatibay ng dalawang pinuno ang relasyon ng Vietnam at ng Pilipinas. Magkabalikat sa kanilang pahayag na ang ginagawang mga kilos ng China ay iligal at labag sa mga kasunduang nilagdaan din ng China noon. Kailangang magkabalikat ang ASEAN para masolusyunan nang mapayapa ang isyung ito ng pag-aangkin ng China sa buong karagatan. Pero sumagot kaagad ang China, dahil alam na sila ang magiging pakay ng pagpupulong ng mga pinuno ng Vietnam at Pilipinas. Babala ang ipinahayag na huwag daw silang pagkaisahan. Kulang na lang sabihin na huwag silang sindakin o duruin at sila’y papalag, hindi ba?
Mabuti naman at maganda ang relasyon ng Vietnam at Pilipinas. Kailangan natin ng mga kaalyado sa malaking problemang ito, lalo na’t nagiging malinaw na may mga bansa sa ASEAN na walang pakialam sa nangyayari sa karagatan, dahil takot sa China o takot mawala ang kanilang mga negosyo sa China. Hindi lahat ng bansa sa ASEAN ay may tapang harapin ang China, sabihin na natin. Inaasahan na lang natin na sa gaganaping World Economic Forum sa Pilipinas, bukod sa mga usaping ekonomiya at mapapag-usapan na rin ang problemang ito. Malaking epekto ito kung pababayaan na lang ang China na angkinin ang buong karagatan, sa lugar na napakahalaga para kalakalan ng buong mundo.