“WALANG hinayag ang complainant na dokumento o testimonya na direktang nagsasangkot kay Gloria Macapagal Arroyo.†‘Yan ang rason ni Ombudsman Conchita Carpio Morales sa pag-absuwelto sa dating Pangulo sa P728-milyong fertilizer fund scam nu’ng 2004. Naiwan lang sa plunder case sina noo’y agriculture secretary Luis Lorenzo at USec. Jocjoc Bolante.
Ang scam ay ang pekeng pamamahagi ng Department of Agriculture ng fertilizers sa mga magsasaka. Ang totoong pinamahagi ay tig-P3 milyon hanggang P5 milyon sa mga piling kongresista, gobernador, at mayor nu’ng 2004 presidential-congressional-local elections. Ilang araw bago magsimula ang kampanya nang ilabas ang Special Allotment Release Order mula sa Department of Budget and Management. Nilista ni Bolante na 105 kongresista, 53 gobernador, at 23 mayor ang humingi. Sa pag-imbestiga ng Senado, lumabas na pinarte lang ang pera nang ganito: 25% kay Bolante; 30% para sa kampanya ng kongresista, gobernador, mayor; 20% sa fake suppliers; 25% sa DA runners. Zero para sa magsasaka!
Lumabas naman sa Commission on Audit report na 32 sa 105 na nilistang kongresista ay hindi totoong tumanggap. Ginamit lang ni Bolante ang mga pangalan nina noo’y Reps. Noynoy Aquino, Florencio Abad, Rafael, Francisco Perez, Antonio Nachura, Manuel Ortega, atbp. Ni hindi naman humingi ng pondo sina Aquino, Ruffy Biazon, at Juan Miguel Zubiri, ani humaliling agriculture chief Arthus Yap. Sinolo lang ni Bolante ang kunwari’y ni-release sa mga politiko?
Mahirap paniwalaan na nakapamigay at nakakupit si Bolante ng kabuuang P728 milyon na walang pahintulot ni GMA, na noo’y kumakandidatong Presidente at nanliligaw sa suporta ng mga politiko.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: jariusbondoc@gotcha.com