DALAWANG taon na lang at magkakaroon na naman tayo ng bagong Presidente. Lumalabas na si Jojo Binay at Mar Roxas lamang ang may mga political machinery na maaaring makapagluklok sa kanila sa Malacañang.
Pero ang dapat itanong ng taumbayan ay saan ba manggagaling ang campaign funds ni Jojo at Mar? Tinatayang P3 billion ang kakailanganin ng isang kandidato sa pagka-presidente.
Bilyonaryo ba si Jojo? Maraming nagsasabi ng yes. Pero saan nanggaling ang yaman niya? Bago siya naÂging OIC mayor ng Makati, iisa lang ang sasakyan niya — Volkswagen na kakarag-karag.
Si Mar ay mayaman kuno dahil apo siya ni Don Amado Araneta na may ari ng Araneta Coliseum at mga malalapad na lupain. Siya ay isang Pilipino na may dugong Español. Saan kaya nagmula ang kayamanan ni Don Amado? Biniyayaan ba siya o ang kanyang mga ninuno ng mga malalawak na lupain ng mga naghaharing uring Español bago ang Pilipinas ay naging malaya dahil sa kabayanihan nina Bonifacio at iba pa?
Ang ipinagtataka ko, matapos patalsikin ng ating mga bayani ang mapang-aping Spanish colonial government, ang mga nagsiyaman ay mga may dugong Español na sina Araneta, Ortigas, Zobel, Ayala, Aboitiz at iba pa, sa halip na mga pamilyang Pinoy.
Kaya ang 2016 elections ay labanan ng dalawang mayayaman. Ang isa ay malaking question mark kung saan nagmula ang kayamanan, at ‘yung isa naman ay galing sa lolong Kastilaloy. Pero sigurado na ang mga malalaking negosyante sa Pilipinas tulad nina Lucio Tan, Henry Sy at iba pang mga hari ng contractualization ay magbibigay din nang malaking kontribusyon sa dalawang presidentiables.
Malamang, may mga donation din na manggagaling sa mga gambling lord, drug lord at iba pa. Kaya tuloy ang contractualization, jueteng at pagpapalaganap ng droga. Sino man ang manalo sa dalawa, ang bayan ang talunan.