Matagal ng problema ang power crisis sa bansa partikular sa Mindanao.
Hanggang ngayon, maraming lugar at lalawigan pa rin sa rehiyon ang nakakaranas ng anim hanggang sampung oras na kalbaryong rotating brownout sa loob ng isang araw.
Anim hanggang pitong oras sa Davao at Cagayan de Oro habang sampung oras naman sa Zamboanga City.
Ang mga imbestor, umaaray na rin dahil sa umano’y tinatayang P200 milyong nawawala sa kanila araw-araw sanhi ng pawala-walang suplay ng kuryente.
Nitong mga nakaraang araw, nangako ang Malakanyang na hanggang buwan nalang ng Hunyo ang brownout na nararanasan sa Mindanao. Nagkaproblema daw kasi ang plantang nagsusuplay ng kuryente sa buong rehiyon simula noong Pebrero.
Ang problema, hindi pa man nagagawa, masyado ng maraming patalastas at ngawa ang pamahalaan. Bago kayo mangako at magsalita, gawin ninyo muna para makamtan ninyo ang tiwala ng taumbayan.
Hangga’t walang nakikita at nararamdamang aksyon at resulta ang publiko, walang magiging basehan kung kayo ay nagsasabi ng totoo.
Apat na taon ng nakaupo si Pangulong Noy Aquino, hindi pa rin nareresolba ang krisis na ito sa sektor ng enerhiya sa Mindanao.
Sa loob ng mga taong nakalipas sa kaniyang panunung-kulan, hindi tiyak kung mayroong nakalatag na short term, mid-term at long term solution sa problemang ito.
Matatandaan nitong nakaraang linggo, isinisisi ng PNP Davao sa rotating brownout ang 20 porsyentong pagtaas ng kriminalidad sa kanilang hurisdiksyon.
Ngayon, nagbabanta na rin ang rotating brownout sa ilang bahagi ng Metro Manila. Pinangangambahan na rin ang lalo pang pagtaas ng krimen.
Dalawang taon nalang ang natitira sa termino ni PNoy, inaasam ng taumbayan na sana tutukan, pagtuunan ng pansin at maresolba ang power crisis na matagal ng kalbaryo ng mga residente partikular sa Mindanao.
Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.