‘Affidavit ni Napoles’

HABANG tumatagal ang hindi pa rin matapos-tapos na imbestigasyon ng PDAF scandal, lalo lang nawawalan ng respeto at tiwala ang taumbayan sa mga nakaupo sa pamahalaan.

 Ang umano’y affidavit na ipinasa mismo ni Janet Napoles na dapat ay matagal ng isina-publiko, hindi pa rin inilalantad.

 Palaisipan sa publiko ang pag-aagam-agam at pag-aalinlangan ni Justice Secretary Leila De Lima sa hindi niya paglabas sa nasabing listahan.

 Naunahan tuloy siyang magbunyag ni dating Senator Panfilo Lacson ng bersyon niya ng “Napoles” list kung saan marami sa mga idinadawit, kumukwestyon dito.

Kung dati pa sana ay inilabas na ni De Lima ang listahan na ibinigay sa kaniya ni Napoles, hindi sana ngayon nalilito at nagkakawindang-windang ang buong bansa.

Subalit, kasabay ng paglalantad niya ang isang disclaimer o abiso na nagsasabing galing mismo ito kay Napoles. Pero mananatiling inosente pa rin ang mga nakasama sa listahan hangga’t wala pang ebidensyang susuporta laban sa kanilang pagkakasangkot sa scam. Bahala na lang muna ang publikong bumalanse at mag-analisa dito.

Ito ang mga mahahalang bagay na paulit-ulit na inaanalisa at binibigyang-diin ko sa aking programang BITAG Live, simula pa nitong nakaraang linggo.

Malapit na naman ang eleksyon. Mahalagang maging mas matalino na ang taumbayan.

Kinakailangang maramdaman ng mga kurakot, ka­watan at mga hinalal na mga pulitikong nasasangkot sa kontrobersiya ang hagupit ng matinding galit ni Juan at Juana Dela Cruz.

 Tandaan ang bawat kanto at hugis ng mga mukha ng mga tiwali. Bantayan ang kanilang mga ikinikilos at pinaggagawa. At alamin ang kanilang mga ninakaw na pondo sa kaban ng bayan.

 Huwag manatili sa estadong “bobo” na nabibili at nauuto ng mga gahamang pulitiko na nag-aasam na maihalal ulit sa pwesto sa pamamagitan ng mga entertainment gamit ang mga artista at estilong “pahalik-halik” sa mga sanggol ng ilang nagpapabola ring mga magulang.

 Sa bansang huli pala, ang mga palabas na ito, mauuwi rin sa “Iboto ninyo ako!”

 Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV.    

 

 

Show comments