Hinahanap-hanap

Hinahanap-hanap nating Pilipino

magandang panahon na waring nagtampo;

Tulad noong araw mga bata rito

pawang masunurin at walang sanggano!

 

Hinahanap-hanap sa bagong panahon

ang mga malalaking pawang mahinahon;

Sa maraming pook saanman paroon

sila’y maginoo’t walang asal maton!

 

Hinahanap-hanap sa likod ng ulap

liwanag ng araw sa buong magdamag;

Ulap nang maglaho’y nagliwanag agad

ang buong daigdig biglang lumiwanag!

 

Hinahanap-hanap si Rizal na tapat

sa kandilang ilaw siya ay nagsulat;

Ang hirap ng bayan kanyang naisulat

ang lambong ng dusa ay naglaho agad!

 

Hinahanap-hanap ang giting ni Andres

na kinikilalang lider na mabait;

Nagtatag ng KKK pinatay sa inggit

kung saan nalibing hindi natin batid!

 

Hinahanap-hanap leadership ni Quezon

saka ni Magsaysay na namuno noon;

Sila ay matapat at walang korapsiyon

walang anomalya na katulad ngayon!

 

Hinahanap natin ay bansang maunlad

na di tulad ngayong kunwari’y malakas;

Sa Sayyaf, NPA daming nauutas

at ngayo’y sa Intsik nanginginig agad!

Show comments