NOONG Huwebes ang itinalang pinakamainit sa Metro Manila. Umabot sa 36 degrees Celsius ang temperatura. Pero mas mainit noong May 1 na umabot sa 36.4 degrees. Ayon sa Philippine Atmospheric. Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), makakaranas pa nang mainit na temperature sa mga susunod na araw. Maaari umanong bumaba ang temperature sa katapusan ng buwan.
Pero kung grabeng init ang nararanasan sa Metro Manila, naghihimutok naman ang mga magsasaka sa Bulacan at Pangasinan sapagkat natuyo na ang kanilang palayan, palaisdaan at taniman ng gulay. Wala na silang maaani sapagkat natuyo na. Wala na ring mga tilapia sapagkat ang karamihan ay namatay sa sobrang init. Nalanta at natuyo ang mga gulay.
Patuloy ang pagbaba ng lebel ng tubig sa Angat Dam na pinagkukunan ng tubig na sinusuplay sa Metro Manila. Ayon sa report, nasa kritikal na lebel na. Gayunman, sabi ng Maynilad at Manila Water, wala pang dapat ikabahala sapagkat hindi pa magkukulang ang supply. Tuwing summer umano ay ganito ang nangyayari pero agad din namang nagkakaroon ng tubig dahil nagsisimula nang umulan sa dakong hapon.
Ang isa pang nakababahala ay ang sinabi ng PAGASA na nakaamba ang El Niño phenomenon sa bansa. Kaya maaaring magtuluy-tuloy ang pagkatuyo ng mga dam. Ang El Niño ay ang kawalan ng ulan. Ayon sa PAGASA, magsisimula umano ang El Niño sa Hunyo.
Dahil dito, nagpaalala na ang pamahalaan sa mamamayan na magtipid sa paggamit ng tubig. Matutong mag-recycle. Ang ginamit na tubig sa paliligo at paglalaba ay sahurin at ipambuhos sa inidoro. Patayin ang gripo habang nagto-toothbrush. Siguruhin din na walang mga tagas ang tubo at gripo. Ayon sa pamahalaan, malaki ang matitipid kapag nag-recycle kaya ngayon pa lamang ay praktisin na ito.
Kapaki-pakinabang ang mga payo sa mamamayan para sa pagtitipid ng tubig. Pero mas nararapat na unahing mag-inspeksiyon sa mga comfort rooms ng mga tanggapan ng pamahalaan sapagkat karaniwang dito maraming leak ang mga tubo. Kadalasan, iniiwang bukas ang mga gripo at tumatapon ang tubig. Isaayos naman ng Maynilad at Manila Water ang mga sirang tubo sa kalye na nagtatapon ng tubig.
Lahat ay kailangang magtipid ng tubig, pero ang nararapat manguna rito ay ang pamahalaan. Sila ang dapat maging modelo.