SUMUKO na ang puganteng si Deniece Cornejo. Nagpasyang sumuko pagkalipas ng higit dalawang linggong pagtatago. Hindi pa matiyak kung kasama nga niya sina Cedric Lee at ang kanyang BFF sa Samar, pero ayon sa abogado niya ay hindi raw. Sumuko na raw dahil na rin sa hikayat ng kanyang pamilya na harapin ang kaso, lalo’t wala naman siyang kasalanan.
Naniniwala ako na ang taong walang kasalanan ay hindi dapat magtago sa batas. Mas dapat ngang humarap kaagad sa batas para ipagtanggol ang sarili at linisin ang pangalan. Kapag tumakbo, iba na ang pahiwatig. Hindi rin nakakatulong na lahat ng sangkot sa kasong serious illegal detention kay Vhong Navarro ay nagtangkang umalis ng bansa. Tumakbo si Cedric Lee at ang kanyang BFF, pero nahuli. Tumakbo si Cornejo, pero sumuko. Baka dahil nahuli na ang kanyang tagapondo. Nagtangkang umalis ng bansa si Ferdinand Guerrero. Nakaalis na ng bansa si JP Calma. Sa ngayon, hindi pa rin makita sina Guerrero at Jed Fernandez.
Magpepetisyon daw ang kampo ni Cornejo na makapagpiyansa, dahil wala naman daw ebidensiya laban sa kanya. Eh bakit pala tumakbo? Bakit pala nagtago? Dapat makita ito ng korte. Ang sabi ay hindi raw bibigyan ng VIP treatment si Cornejo. Pero marami ang nagtatanong kung bakit nakipag-usap pa kay PNP Chief Alan Purisima. Ganito ba ang proseso ng lahat ng puganteng sumusuko, o ang mga sikat at may kilala lang sa PNP? Kaya tuloy nangangamba na ang marami na may VIP treatment na nga. At bakit hindi sa NBI sumuko? Dahil walang kilala roon?
Dapat magsimula na ang kaso dahil hawak na rin nila ang mga pangunahing sangkot sa kaso. Kung walang Cornejo, wala ring Cedric at ang kanyang mga tropa. Noon, sila ang ganadong lumabas sa media at nagkuwento kung ano raw ang nangyari. Pero nang maglabasan na ang mga CCTV, iba na ang kilos. Ibinasura na rin ng korte ang kasong rape na isinampa ni Cornejo kay Navarro. Kaya ang kaso naman laban sa tropang ito ang dapat umusad.